Sa ngalan ng Team Makatizens United at ng buong pamahalaang lungsod ng Makati, ipinapaabot ko ang aming taos-pusong pasasalamat sa minamahal naming ProudMakatizens sa bagong mandatong ibinigay ninyo sa amin sa katatapos na halalan.
Napakasaya namin sa ipinakita ninyong suporta at pagtitiwala sa aming mabuting pamamahala. Sa aking ikatlo at huling termino bilang Mayor ninyo, makakaasa kayong lalo pa naming pagbubutihin at pagagandahin ang serbisyo publiko sa Makati.
Malamang ay excited na kayo sa nalalapit na pagbubukas ng bagong Makati Life Medical Center sa Malugay. Matagal din ninyong hinintay na magkaroon tayo ng isa pang public hospital bukod sa Ospital ng Makati sa Pembo. Kaya tinitiyak namin na may kakayanan itong makapaghatid ng primera klaseng serbisyong medikal na lalong magpapaangat sa kalidad ng public health care sa Makati.
Ang Makati Life Medical Center ay dinisenyo upang maging “pandemic-proof” at kayang tumugon sa iba’t ibang pangangailangang pangkalusugan ng mga residente at mga kawani ng pamahalaang lungsod. Mayroon itong 300-bed capacity at mga makabagong medical equipment na magagamit ng mga batikang doktor sa paggagamot ng mga pasyente. Una naming bubuksan ang 24/7 emergency care facility nito sa mga susunod na buwan, at susunod namang magiging available ang in-patient services bago matapos ang taong ito. Kapag nakumpleto na ang pasilidad, magbubukas din ang 192 clinics para sa outpatient consultation sa mga espesyalista sa iba’t ibang larangan ng medisina.
Sa pagsisimula ng aking ikatlong termino, tututukan naman namin ang pag-upgrade ng ating barangay health centers upang lalong paghusayin ang primary health care sa lungsod. Kapag abot-kamay ng mga mamamayan ang mas pinahusay na serbisyo sa mga health center, mapapanatili ang mabuting kalusugan at maaagapan ang mga sakit bago pa man lumala, at maiiwasan pa ang pagkakaospital. Sa sapat at tamang pangangalaga, maisusulong ang mas malusog na mamamayan na siyang pundasyon ng maunlad na pamayanan.
Patuloy din nating binabantayan ang kalusugan ng mga buntis at kanilang dinadalang sanggol. Kamakailan, binuksan natin ang East Rembo lying-in clinic na nasa East Rembo Multipurpose building. Ito ang ikaapat na lying-in facility sa lungsod na bukas 24 oras para sa pangangailangan ng mga expectant mothers.
Maliban sa magandang kalusugan at mataas na kalidad ng health services at edukasyon, layunin din naming makapag-iwan ng pangmatagalang proyekto at programa sa ating lungsod.
Ang Makati Subway ang itinuturing kong pinakamalaking legacy infrastructure project ng aking administrasyon dahil napakalawak at lalim ng maiiwang impact nito sa mga susunod na henerasyon.
Kapag gumana na ito, magiging mas mabilis ang byahe ng commuters kasama ang mga nagtatrabaho sa Makati dahil kaya nitong makapaghatid ng 700,000 pasahero sa araw araw. Magiging mas madali na ring pumunta sa iba’t ibang lokasyon sa Makati at ibang lungsod dahil nakakonekta na ito sa Pasig River Ferry Service, MRT Line 3, at ang ginagawa na ring Metro Manila Subway.
May 12 air-conditioned trains ang tatakto sa unang taon at tuwing 3 hanggang 6 na minuto ang dating ng tren. Mag-o-operate ang subway ng 18 oras sa isang araw kaya naman matutulungan nito pati na rin ang napakaraming night shift workers sa BPO industry.
Ang pagkakaroon ng sariling subway system ng Makati ay makakabawas ng 270,000 vehicles sa kalsada sa 2048. Dahil dito, bababa ang carbon dioxide emissions sa Makati ng higit 2.3 million tons. Bahagi ito ng comprehensive plan ng lungsod sa pagpapababa ng ating carbon footprint at pagtatalaga ng mas maraming programa para labanan ng cliemate change at patuloy na epekto nito sa kalikasan.
Hindi magtatapos sa aking panunungkulan ang magagandang proyekto para sa lahat ng Makatizen. Naitanim na namin ang magagandang punla at inaasahang sisibol ito at aanihin ng susunod na mga henerasyon. Bumilang man ng taon o dekada, sinisiguro kong magiging proud pa rin kayo sa pagiging Makatizen.
Muli po, maraming salamat at patuloy nawa tayong gabayan at ingatan ng Poong Maykapal!