EDITORYAL - Plano para sa ekonomiya ng bansa dapat nang ihanda
Inihahanda na ni presumptive president Ferdinand “Bongbong’’ Marcos Jr. ang kanyang mga magiging Cabinet secretaries at unang-una niyang inihayag ay ang pagtatalaga niya kay presumptive vice president Sara Duterte-Carpio na secretary ng Department of Education (DepEd). Kinausap umano niya si Sara at tinanong ito kung puwedeng secretary of education at pumayag naman daw. Ayon kay Marcos, mahirap na trabaho ang maging DepEd secretary pero kakayanin umano ni Sara. Sabi pa ni Marcos, bukas siya na mapabilang sa kanyang Cabinet ang mga eksperto at iba pang personalidad kahit na iba ang political leanings o kulay nito.
Asahan na sa mga susunod pang mga araw ay ihahayag ni Marcos ang iba pang mga miyembro ng kanyang Cabinet. Pero ang mas dapat niyang pagtuunan ng pansin ay ang plano para sa ekonomiya ng bansa. Kailangan ay mayroon na siyang malinaw na plano kung paano makakarekober ang ekonomiya na labis na naapektuhan ng pandemya. Hanggang sa kasalukuyan, marami pang mga establisimento ang sarado dahil sa pananalasa ng pandemya. Ang iba ay tuluyan nang nagsara sapagkat hindi na kinaya. Marami ang nawalan ng trabaho noong 2021 at hindi pa nakakabawi sa unang tatlong buwan ng 2022.
Ano ang mga gagawin para makarekober ang ekonomiya ng bansa at magkaroon na ng trabaho ang maraming Pilipino? Pinakamagandang tutukan ng bagong administrasyon ang sector ng agrikultura. Kung mapapaunlad ang sector na ito, mas maraming trabaho ang malilikha. Kung mapapalakas ang ani, hindi na kailangang mag-import ng bigas sa mga katabing bansa. Naturingang agricultural na bansa pero umaangkat ng bigas. Hindi lamang bigas, pati isda (partikular ang galunggong ay ini-import sa China. Nakakahiya ang nangyayaring ito.
Ilahad na ang mga plano para sa pagpapalakas ng ekonomiya at simulan agad ito para makabawi ang bansa na nilumpo ng pandemya. Nararapat ang malinaw na plano sa pagpapalakas ng ekonomiya at magagawa lamang ito kung may sapat na kakayahan o expertise ang magiging miyembro ng Cabinet.
- Latest