Ayon sa tagapagsalita ni Bongbong Marcos Jr. na batay sa resulta ng halalan ay siya ang susunod na presidente ng Pilipinas, hiniling ni Marcos Jr. na “Hatulan ako hindi sa pamamagitan ng aking mga ninuno, ngunit sa pamamagitan ng aking mga aksyon.” Hiniling niya ito hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo. Tila hindi yata nila nakita kaagad ang bigat ng kanyang ipinahayag sa Pilipinas at sa mundo.
Sa paghiling na huwag siyang husgahan sa pamamagitan ng kanyang mga ninuno, o sa kasong ito, kanyang ama, tila kinumpirma lahat ng masasamang naganap noong namuno si Ferdinand Marcos Sr. sa bansa. Kinilalang diktador at mandarambong. Libu-libong paglabag sa karapatang pantao, mga pinahirapan, mga nawala na lang at hindi na matagpuan, mga pinatay ng pulis at sundalo sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ito ang mga itinanggi ng kampo ni Marcos noong nangangampanya. Naging matagumpay nga sa pagbabago ng kasaysayan sa karamihan. May mga hindi naniniwala sa mga kasamaang naganap noong martial law at ibinida ang “golden age” noong namuno si Marcos Sr. Mga paninira at propaganda lang daw at pamumulitika ng mga kalaban. Marami sa kabataan ang walang alam tungkol sa martial law kahit may mga buhay pang nabiktima ng kalupitan ng batas militar.
Maraming pamilya ang hindi na nalaman kung ano ang nangyari sa mga mahal nila sa buhay na nawala na lang. Hinihiling na ituro kung saan ang bangkay o kung saan nilibing, kung nilibing nga. Mas marami pang may alam sa ibang bansa tungkol sa mga madidilim na panahong iyon. Kasalanan din ito ng sistema ng edukasyon at hindi binigyan ng halaga ang kasaysayan ng bansa. Kaya nga may MaJoHa hindi ba?
Kaya ano pala ang hindi dapat husgahan sa kanya kung itinanggi na hindi naman naganap ang lahat ng inaakusa sa kanilang pamilya? Ano ang huhusgahan kung hindi naman daw nangyari? Inaamin na ba ng kampo ni Marcos na nilinlang lang nila ang mga botante para mabago ang imahe ng anak ng diktador? Ilang milyon kaya ang naniwala sa kanilang pagbabago ng kasaysayan? Ito ang napuna ko lang sa pahayag na iyan at tila sigurado nang mananalo si Bongbong Marcos. Hindi naman bago ang magsabi ng isang bagay habang nangangampanya pero hindi naman daw ito seryoso kapag nanalo na. Natatandaan ba ang pahayag na jetski ni President Duterte? May anim na taon para ipakita ni Bongbong ang mga “aksyon”. Ganunman, wala pa rin silang ipinahayag na paumanhin o pagsisisi para sa mga masasamang naganap sa ilalim ng 20 taong pamumuno ni Marcos Sr. At nandyan pa rin ang ilang kaso laban sa kanilang pamilya tulad ng hindi pagbayad nang malaking buwis. Hanggang ngayon, hinahanap ang mga nakaw-yaman para mabawi. Ano na kaya ang mangyayari sa mga ito kapag opisyal na nakaupo na sa Palasyo?