EDITORYAL - Mga guro: bayani ng election

KUNG mayroon mang dapat saluduhan sa katatapos na election, ito ay walang iba kundi ang mga guro. Hindi matatawaran ang kanilang mga naging papel sa election noong Lunes na ang ilan ay dumanas pa ng mga hindi makakalimutang karanasan mula sa mga botante. Ilan sa kanila ang sinigawan, minura at pinagbantaan ng mga botanteng nainip na makaboto. Sa mga guro binunton ang mahabang pila at ang pagkasira ng Vote Counting Machines (VCMs). Sa kabila ng mga masasakit na salita, nagawa pa ring magpakahinahon ng mga guro. Sa kabila na marami sa kanila ang walang tulog dahil alas kuwatro pa lamang ng umaga ng Mayo 9 ay nasa mga paglilingkurang voting centers na sila, nanatili pa rin silang mapagpasensiya sa mga botanteng nangha-harassed sa kanila. Patuloy lamang sila sa pagsisilbi para maging maayos ang pagboto ng mamamayan.

Ang lubos na nakaaawa ay ang mga guro na naging biktima ng karahasan sa panahon ang election. Gaya nang nangyari sa isang guro sa Negros Occidental na binaril isang araw bago ang election. Napatay si Mercy Besa Miguel, guro sa Himamaylan National High School. Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima dakong 8:30 ng gabi at nakaangkas sa motorsiklo na minamaneho ng asawa nito nang pagsapit sa crossing sa Bgy. Caradio-an ay pagbabarilin sila. Tinamaan sa tiyan ang guro samantalang hindi tinamaan ang asawa nito. Isinugod sa ospital ang guro subalit patay na ito. Inaalam ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa guro. Kinondena ng DepEd ang pagpatay at nangako ng tulong sa biktima.

Mahigit 600,000 guro ang nagsilbi sa election noong Lunes. Nangako ang DepEd na bibigyan nang malaking honoraria ang mga guro na nagsilbi sa election. Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), ini-adjust na nila ang honoraria ng mga guro. Sa Resolution No. 10727 na inisyu ng Comelec, ang chairperson ng election board (EB) ay tatanggap ng honorarium na P7,000, miyembro ng EB (P6,000), Department of Education supervisor official (P5,000), at ang support staff at medical personnel (P3,000).

Sana ay maipagkaloob agad ang honorarium ng mga guro at hindi ibitin-bitin. Sa mga nakaraang election, may mga guro na hindi agad natanggap ang kanilang honorarium. Maawa sa mga guro na ginampanan ang kanilang tungkulin para maging maayos ang eleksiyon. Ipagkaloob ang ipinangako sa kanila. Sila ang mga bayani sa panahon ng eleksiyon.

Show comments