Ayoko ng bata maging bansot, payatot, putot

Isa sa bawat tatlong batang Pilipino, edad 0 hanggang 9 ay nanganganib mabansot. Dahil kulang sa nutrisyon ang sanggol at ina, kinakapos ang anak sa timbang at taas. Napa­kahalaga ng unang 1,000 araw sa paghubog ng kata­wan at utak ng bata. Dapat mula araw ng pagkabuntis hanggang ika-24 na buwan ay sagana ito sa wastong pagkain lalo na gatas-ina. Kapag kinaligtaan, hanggang 40% ng utak ay hindi mabubuo. Bawas na kaagad ang abilidad para magsalita, magmemorya at umintindi. Bata pa lang, talo na.

‘Yan ang dahilan kung bakit kulelat sa international tests ang mga mag-aaral sa Grades 4, 5 at 8. Kung mahina sa komunikasyon, hindi masasabi ang iniisip. Kung pulpol ang memorya, hindi makakabisa ang addition at multipli­cation tables. Kung magulo ang pagkaintindi, hindi maka­kabasa at sulat. Bagsak agad sa Math, Science at Reading Comprehension. Hindi mabatid ang tama o mali sa pagbuno ng Kasaysayan, Panitikan, pati musika at laro.

Harapin sana ng bagong Pangulo ang magkakambal na krisis sa nutrisyon at edukasyon. May mga solusyon dito. Nagawa na sa Peru at Brazil. Nilabanan nila ang gutom. Resulta: bumaba ang pagkabansot sa 13% mula 28%, at sa 7.1% mula 37.1% sa Brazil. Nagawa rin ito sa China at India. Tumangkad ng 2.5 inches ang mga lalaki at 1.5 inches ang mga babae nu’ng 2015 kumpara sa 1965, o 50 taon. Pinagtuunan nila ang pagpapakain ng karne at gatas­ mula edad-3. Nasubukan na rin ang First 1,000 Days program sa Cebu at Quezon. Mura lang: pina­­kain ang mga musmos ng saging, kamote, malunggay at isda na mataas sa protein.

Kung sino ang mananalong pangulo, tularan ang mga nagawa. Paunlarin ang agrikultura: pagtanim ng gulay, prutas, palay, mais, tubó at buko; at pagpapalaki ng isda, manok, baboy, kambing at baka.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments