Mahalaga ang araw na ito para sa mga Pilipino. Ngayon nila ilalagay sa balota ang mga mamumuno sa bansa sa susunod na anim na taon. Hindi dapat sayangin ang pagkakataong ito. Ngayon ipagkakatiwala ang boto sa inaakala nila ay mga taong magpapabago sa kalagayan ng bansa at estado ng kanilang pamumuhay. Kung hindi magiging matalino sa pagboto, walang ibang kawawa kundi ang mamamayan mismo. Anim na taon na titiisin ang pamumuno kapag nagkamali na sila ay iboto. Hindi dapat magkamali sa pagkakataong ito.
Pinakamagandang dapat gawin bago bumoto ay mag-isip munang mabuti. Mag-isip nang maraming beses kung tama ba ang taong iboboto. Ang kandidato bang iboboto ay may sapat na kakayahan para pamunuan ang bansa sa loob ng anim na taon. Mayroon ba siyang karanasan para lubos na magampanan ang pagiging presidente o bise presidente ng bansa, Mayroon ba siyang pagmamalasakit sa mamamayan lalo na sa harap ng krisis, kalamidad, pandemya at iba pang mabibigat na kahaharapin. Mayroon ba siyang sapat na karunungan na makapagpasya sa mga usaping binu-bully ang bansa ng mga kalapit-bansa? Mayroon ba siyang katatagan na magampanan ang mga tungkulin sa kabila ng kabi-kabilang hamon o mananatiling sunud-sunuran lamang at walang sariling pagpapasya.
Mahalaga ang mag-isip ngayong araw na ito bago pumunta sa voting centers. Suriing muli ang mga kandidato na iluluklok. Magkaroon muli ng pag-aanalisa sa mga ito at tanungin ang sarili kung ito na nga ba ang mga taong karapat-dapat. Sa pamamagitan ng pag-iisip, maiiwasan ang pagkakamali sa pagboto. Hindi magsisisi sa dakong huli. Sa pamamagitan nang pag-iisip, maisasalba ang kinabukasan hindi lamang ng sarili kundi ang mamamayan.