Aktor o doktor?: Banggaan sa Cavite ngayong Halalan 2022

“There have been times in this office when I wondered how you could do the job if you hadn’t been an actor.” Ito ang pahayag ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan, na isang aktor bago naging pinuno ng isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Normal na para sa mga celebrity ang tumakbo at mag-asam ng posisyon sa larangan ng pulitika. Ang kilalang action star na si Joseph Ejercito Estrada ay nagsilbi bilang ating ika-13 pangulo. Ang Pilipinas marahil ang isa sa may pinakamaraming showbiz personalities na pumapasok sa mundo ng pulitika. Karamihan sa kanila ay nanalo dahil na rin sa kanilang kasikatan.
Sa aking panayam kay Pulse Asia president Ronnie Holmes, sinabi niyang ang halalan ay talagang labanan ng pasikatan. “Kapag hindi ka kilala, hindi ka ma-e-elect. Hindi ka mahahalal. Ikaw artista, ikaw na miyembro ng pampulitikang pamilya kinakailangan kakilala ka. Medyo lamang ang artista lalo na kapag parati siyang lumalabas sa pelikula o sa TV,” ayon kay Holmes.
Sa ulat sa Rappler, mayroong hindi bababa sa 35 personalidad na naghain ng kanilang kandidatura para sa halalan ngayong taon, para sa national at local positions. Bagama't gusto kong isipin na mas maraming botante ngayon ang higit na marunong kumilatis, mayroon pa ring bumoboto nang dahil nga sa kasikatan ng artista.
“Ang unang advantage mo diyan kilala ba ang apelyido mo? Kung ang apelyido mo ay hindi kilala, mahirap-hirap. Lamang ang artista dahil ang publicity nila ay may katagalan na rin,” pagpapaliwanag ni Holmes.

Maraming showbiz families ang matagumpay na napasok ang pulitika. Isa na rito ang angkan ng mga Revilla na ilang taon nang nakapuwesto sa iba’t ibang posisyon sa Cavite. Ang namatay na patriarch ng pamilya at “Hari ng Agimat” na si Ramon Revilla, Sr. ay isang senador. Ang kanyang anak na si Bong ay kasalukuyan ding Senador. Ang isa pang anak na si Strike, isang incumbent Congressman sa District 2 sa Cavite, ay tumatakbo bilang Alkalde sa Bacoor. Ito naman ang posisyong inookupahan ng kanyang hipag at asawa ni Bong, ang aktres na si Lani Mercado, na tumatakbo ngayon para sa Kongreso sa District 2 sa Cavite. Nagpalitan sila ng posisyon sa kanyang bayaw. Si Ram Revilla ay nangangampanya bilang Board Member sa 2nd District ng Cavite at ang kuya niyang si Bryan ay tumatakbo bilang representative para sa AGIMAT Partylist. Sila ang mga anak nina Bong at Lani. Ang kapatid nilang si Jolo Revilla na kasalukuyang Bise Gobernador ng Cavite ay tumatakbo sa Kongreso sa 1st District ng Cavite laban sa isang pediatric dentist, si Dr. Paul Plaridel Abaya, Jr. Sa gitna ng pagiging matunog ng apelyido ng mga Revilla, hindi rin puwedeng maliitin ang mga Abaya dahil sa kanilang matibay na track record sa serbisyo-publiko.
Ang pamana ng isang bayani
Nagkaroon ako ng pribilehiyong makapanayam si Doc Paul sa aking programa, Pamilya Talk. Si Doc Paul ay apo sa tuhod ni Gen. Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng Pilipinas. Siya rin ang ika-5 anak at junior ni dating Congressman Plaridel Abaya. Dahil sa kanyang pinanggalingang angkan, tiyak na mayroong pressure upang patunayan ang kanyang sarili sa pamilya. Ngunit imbes na mangamba dahil sa bigat ng hamong ito, itinuturing ito ni Doc Paul na isang biyaya.
“I always see that [the lineage] as a gift that was given to me. At the same time, it is a responsibility. Being [President Aguinaldo’s] great-grandson, we need to continue his legacy as a President who fought for the freedom of our country way back in 1898,” sabi niya.
Nagtapos si Doc Paul sa Unibersidad ng San Diego, na may degree sa Biology. Pagkatapos ay nag-aral siya sa Tufts University-School of Dental Medicine sa Massachusetts at nagpakadalubhasa naman sa Pediatric Dentistry sa New York University. Pinili niyang bumalik ng Pilipinas at dito manggamot, sa halip na kumita nang malaki sa pagtatrabaho sa Amerika. Mahilig siyang sumama sa mga medical at dental missions na inorganisa ng kanyang mga kamag-anak at charity institutions. Naging presidente din siya ng Philippine Pediatric Dental Society. Bilang isang frontline dentist sa panahon ng pandemya, isa siya sa 27 pediatric dentists sa bansa na dalubhasa sa pediatric dentistry. “It takes extra patience and compassion in dealing with children. I just happen to be good at working with them,” sabi ni Doc Paul. Naniniwala si Doc Paul na kailangang unahin ang mga bata sa lahat ng bagay, lalo na sa mga programa ng gobyerno, para sila mapangalagaan.

Banggaan sa Cavite
Isa ang Cavite sa mga lugar kung saan mainit at matindi ang laban tuwing eleksiyon. Kaya hindi basta-basta ang hinaharap ni Doc Paul. Pero hindi rin naman matatawaran ang kanyang naging karanasan.
Naging bahagi siya ng team ng kanyang kapatid na si dating Department of Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio “Jun” Aguinaldo Abaya noong si Sec. Jun ay nakaupo bilang Congressman ng Unang Distrito ng Cavite. Siya rin ang tumutok sa healthcare program at mga medical at dental missions ng kanyang nakatatandang kapatid. Nang siya ay naging Bise Alkalde ng Kawit, bahagi ng kanyang programa ang pagsasagawa ng mga vaccine drive, medical mission, at information campaign para iwas-sakit ang mga taga-Kawit. Ngayon, tumatakbo na naman siya, at sa pagkakataong ito ay babanggain niya ang isa sa mga pinakasikat na political clans sa probinsya, ang mga Revilla.
Pero hindi raw siya natatakot sa sikat na Bise Gobernador na si Jolo Revilla dahil naniniwala siya sa tatak ng serbisyo-publiko ng kanyang pamilya.
“True service is always given wholly. It’s important that we decide wholeheartedly when running for public service,” dagdag niya.
Bukod sa kanyang plataporma pagdating sa healthcare ng mga Kabitenyos, ibinida rin ni Doc Paul ang kanyang ABAYAnihan na plataporma, na ang kahulugan ay Ahon mula sa pandemic, BAngon sa kabuhayan, YAman para sa bayan.
Dahil sa pandemyang ito, naiba ang priyoridad ng mga tao. Mas tumindi ang pagpapahalaga sa kalusugan. Kaya ang ginawang pagtugon sa COVID-19 ng mga pulitiko at kandidato ang nagsisilbing sukatan ng mga botante sa pagpili ng kanilang iboboto. Kahit ikaw ay isang doktor o isang aktor, ang mahalaga ay ang iyong track record ng serbisyo-publiko at kung paano ka magiging epektibo sa paghahatid ng basic service sa iyong mga nasasakupan.
Ang totoong trabaho ay magsisimula kapag kumalma na ang lahat at tapos na ang gulo sa pangagampanya. Kaya ipanalangin nating manalo ang mga nararapat maluklok sa puwesto para mas maging maayos ang tatakbuhing direksyon ng ating mga komunidad, lalo na’t wala pang kalinawan ang mga bagay hanggang ngayon dahil sa pandemyang patuloy na kinahaharap pa rin ng ating bansa.
-----
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00 - 5:00 p.m. Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph.
- Latest