Lumabas na ang huling survey ng Pulse Asia. Batay sa mga resulta nito, halos hindi gumalaw ang mga numero ni Bongbong Marcos at Vice President Leni Robredo kung saan malaki pa rin ang lamang ni Marcos. Bahagyang nalampasan naman ni Sen. Manny Pacquiao si Mayor Isko Moreno. Dahil sa mga resulta, may mga kinikuwestiyon ang katumpakan ng nasabing survey. Kung paniniwalaan iyan, malaki ang pagkakataon na si Marcos ang magiging sunod na presidente.
Pero ilang eksperto ang nagsabing kulang ang representasyon ng ilang grupo tulad ng mga nasa edad na 18-41 pati mga nakapagtapos ng kolehiyo. Mas marami rin daw ang representasyon ng Class D at E kumpara sa Class A at B. Dinepensahan naman ng Pulse Asia ang kanilang pagsampol ng mga tinanong para sa survey. Matagal na raw nila ginagawa ito. Siguro marami ang nagtaka sa hindi paggalaw ng mga numero ng kandidato matapos ang malalaking rally na naganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Inasahan siguro na kahit papaano ay nadagdagan ang kanilang mga numero.
May kandidatong nagsabi na ang mga survey na iyan ay para makondisyon lang ang tao. Pag makita kung sino ang lamang, baka iyan na rin ang iboboto o kaya’y pag makitang mababa ang bilang ng kandidato, mawawala na ng gana. Ilang kandidato ang nagtitiwala na may pag-asa pa rin silang manalo. Ang mahalagang numero raw ay ang lalabas sa Lunes. Hindi naman daw lahat ng kanilang tagasuporta ang nasama sa survey. Makikita nga natin kung tumpak ang survey ng Pulse Asia o kung may pagkakaiba sa aktwal na botohan pagdating ng Lunes.
Mabanggit ko lang na sa huling survey ng Pulse Asia, 72% ng mga edad 18-24 ang pinili umano si Marcos. Ito ang henerasyon na hindi na nakaranas ng martial law, kaya wala silang alam tungkol dito. Naging matagumpay ang kampo ni Marcos na burahin o baguhin ang kasaysayan, lalo na sa grupong iyan. Hindi nila alam ang mga kasamaan noong martial law dahil nakondisyon na sila na hindi naman totoo o hindi naman nangyari.
May pagkukulang din ang edukasyon at hindi masyadong itinuro ang kasaysayan ng bansa magmula nang maging presidente si Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa pagpapatalasik sa kanya noong 1986. Ano kaya ang sinasabi ng grupong iyan kung nakakakita sila ng mga larawan noong People Power, pati na rin ang rebulto na itinayo sa may EDSA? Wala lang pakialam? O mas paniniwalaan ang mga lumalabas sa Facebook, kahit kasinungalingan?