EDITORYAL - End sabong
Ipinahinto na ni President Duterte ang online sabong. Ipinag-utos niya kay Interior Sec. Eduardo Año na itigil ito sa lalong madaling panahon. Sabi ng presidente, hindi maganda ang mga narinig niya ukol sa e-sabong. Hiningi umano niya ang mga nalalaman at rekomendasyon ni Año at nagdesisyon na siyang ipahinto ang sugal na ito. Labag aniya sa values at hindi siya makapapayag sa nangyayari.
Ang pasya ng presidente sa pagpapahinto ng e-sabong ay ikinatuwa nang marami. Sa pagpapahinto ng sugal, maiiwasan na ang pagkasira ng buhay nang maraming Pinoy na naging addict na sa online na sugal. Dami nang winasak ito mula nang mauso noong nakaraang taon. May pulis na nagnakaw para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. May isa na nagbenta ng sanggol sa halagang P45,000 para mabayaran ang utang sa e-sabong. Mayroong OFW na naipatalo ang kanyang separation pay at umuwing mahirap pa sa daga. May trabahador na sa labis na depression sa pagkatalo sa e-sabong ay nagpakamatay. Maraming karaniwang manggagawa na ang kahit pambili nila ng bigas para sa kanyang pamilya ay itinataya sa e-sabong at naipatalo. Madali lang makapaglaro sa e-sabong gamit ang cell phone.
Unang sinabi ng Presidente noong nakaraang buwan na napakalaki ng buwis na nanggagaling sa e-sabong—P640 million bawat buwan. Kailangan umano ng bansa ang pondo mula sa e-sabong kaya hindi niya ito maaring maipahinto. Huwag na lang itong pansinin, sabi pa niya.
Pero nagbago ang pasya niya dahil nakita ang malaking impact sa buhay ng mga naaadik dito. Hindi maganda ang nangyayari na maraming nawawasak na buhay. Isinantabi ang malaking buwis na nakukuha sa e-sabong.
Ngayong hinto na ang e-sabong, ipag-utos din naman sana ang paghanap sa mga nawawalang sabungeros. Ang mga asawa at anak ng nawawalang sabungeros ay sakmal ng pag-aalala sa nawawalang padre de pamilya. Sana malutas ito sa lalong madaling panahon upang magkaroon ng kapanatagan ang isipan ng mga mahal sa buhay.
Sa pagpapatigil sa e-sabong siguruhin naman ng DILG na walang lalabag sa direktiba. I-monitor ang mga e-sabong outlet at baka patuloy na nag-ooperate. Tiyak na maraming gagawa nang kabulastugan para tuloy ang e-sabong.
- Latest