EDITORYAL - Sa wakas, may benepisyo na ang healthcare workers

NAPAPANAHON ang pag-apruba ni President Duterte sa Republic Act 11712 (Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act). Layunin ng batas na mabigyan nang tuluy-tuloy na benepisyo ang mga public at private health workers sa panahon ng COVID-19 at sa mga maaari pang mangyaring public health emergencies sa hinaharap. Sakop ng batas ang lahat ng healthcare workers (HCWs) anuman ang employment status nito sa panahon ng COVID at iba pang biglaang sakit na mananalasa sa hinaharap.

Sa ilalim ng batas, ang lahat ng health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 sa “minimum risk areas; at P9,000 sa “high-risk areas­. Nakasaad din sa batas na kung namatay ang HCWs sa COVID-19 habang gumaganap ng tungkulin, ma­katatanggap ng P1 million ang kanyang mga naulila. Ang mga nagkasakit nang malubha o severe ay ma­katatanggap ng P100,000 at P15,000 para sa mga mild o moderate cases.

Sa wakas, hindi na kailangan pang mag-protesta o mag-rally ang healthcare workers para ipanawagan na ibigay ang kanilang allowances at mga benepisyo. Dahil isa nang batas, tatanggapin na nila nang walang problema ang lahat nang benepisyo habang may pan­demya o anumang sakit na daraan sa hinaharap.

Harinawang sa pagkakasabatas ng RA 11712, wala nang magpoprotesta at isisigaw na ibigay na ang kanilang mga benepisyo, hazard pays at special risk allowance (SRA).

Noong nakaraang Setyembre 2021, sunud-sunod ang protestang isinagawa ng HCWs dahil sa hindi ipinagkakaloob na SRA at benepisyong umabot sa P11 bilyon. Sa 1.8 milyong HCWs, maliit na porsiyento lamang umano ang nabigyan ng benepisyo at allo­wances.

Bukod sa protesta, nagkaroon din ng exodus ang healthcare workers noong nakaraang taon. Maraming nag-abroad—karamihan ay nurses sapagkat mas malaki ang suweldo—halos triple nang sinasahod sa bansa. Ayon sa report, may mga nurses sa private hospital na sumasahod lamang ng P8,000.

Malaking tulong ang pagkakasabatas ng RA 11712 sa HCWs at sana wala nang mga problemang dumaan pa sa mga “bayani” na inialay ang sarili sa panahon ng pandemya.

Show comments