Turuan ang mga bata na kumain nang tama
Kailangan nating turuan ang mga bata na kumain nang tama habang maliit pa sila. Dahil kapag may edad na sila ay mahirap nang baguhin ang kanilang kinaugalian. Halimbawa, kung hindi sila pakakainin ng masustansyang gulay habang bata, hindi na siya kakain nito pagtanda niya.
Narito ang mga payo para sa mga bata:
1. Mag-almusal araw-araw. Kapag gutom ka sa umaga, aantukin ka at hindi ka makakapag-aral nang maigi.
2. Kumain ng gulay at prutas araw araw. Depende sa edad ng bata, kumain ng 1 hanggang 2 tasang gulay at 1 hanggang 2 tasang prutas bawat araw. Ito ay para makamtan ninyo ang sapat na bitamina bawat araw. Ayon sa survey, 3 sa bawat 5 Pilipino ay hindi kumakain ng sapat na gulay at prutas.
3. Uminom nang maraming gatas habang bata pa. Ang gatas ay may calcium, Vitamin B at protina na pampatangkad. Kapag matanda na tayo, hindi na gaano ma-a-absorb ng katawan ang calcium ng gatas.
4. Umiwas sa taba ng baboy at baka. Kainin lang ang laman at tapyasin ang taba sa karne. Kumain ng taba ng isda na may Omega-3 fatty acids para tumalino.
5. Sa meryenda, piliin ang mga puto, ginatan, mais, camote, mani at tinapay. Limitahan ang pagkain ng sitsirya o junk foods. Maalat ito at walang binibigay na sustansya sa katawan.
6. Uminom ng sapat na tubig, mga 6 hanggang 8 baso para hindi ma-dehydrate. Magbaon ng tubig sa eskwelahan. Huwag masyado uminom ng matatamis na soft drinks, iced tea at kape.
7. Maghugas ng kamay palagi. Maghugas bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo. Ito ay para makaiwas sa sakit at bulate sa tiyan.
8. Mag-ehersisyo ng regular. Kapag lagi kang nag-e-ehersisyo, mas titigas ang iyong buto at lalakas ang muscle. Humanap ng kahihiligang sports.
9. Magsepilyo ng 3 beses sa maghapon. I-brush ang lahat ng ngipin lalo na ang mga nasa likod na ngipin tulad ng molars at premolars. Madali rin masira ang ngipin kapag mahilig tayo sa matatamis na pagkain.
10. Kumpletuhin ang tulog para maglabas ng growth hormone ang katawan. Matulog ng 8 hanggang 10 oras bawat araw para tumangkad.
- Latest