Ang tubig ay isa sa pinakamahalagang kailangan ng tao. Kailangan ito para mabuhay hindi lamang ang mga tao kundi pati na rin ang mga hayop, halaman at iba pang may buhay sa mundo. Ngunit kung minsan, marami sa atin ang hinahayaan na bukas ang gripo at nasasayang ang tubig.
Para sa kapakanan ng ating pamilya lalo na sa mga susunod pang henerasyon, narito ang mga dahilan kung bakit mahalaga ang pagtitipid sa tubig.
1. Para mabuhay tayo – Kung walang malinis na tubig tayo ay mamamatay sa loob lamang ng tatlong araw. Ang tubig ay katumbas ng buhay.
2. Para makinabang ang lahat – Kung matututo kang magtipid sa tubig, makatitipid ng libu-libong galon ng tubig kada taon.
3. Para protektahan ang kalikasan – Ang karagatan, sapa at ilog ay nakatutulong sa atin para tayo ay masuplayan at hindi maubusan ng tubig.
4. Para makatipid sa gastos – Ang pagtitipid sa tubig ay maaaring makatipid sa enerhiya para makapag-pump ng tubig mula sa sentral na pinagkukunan nito papunta sa bahay. Makatitipid din sa gastos sa tubig bawat buwan. Kahit hindi ikaw ang nagbabayad ng tubig, maging responsable rin sa paggamit nito.
5. Para yumaman ang bansa – Kung dati ang mga bansa ay nag-aaway dahil sa langis. Sa mga susunod na taon, ang malinis na tubig na ang pag-aawayan. Kaya dapat matuto tayong magtipid para may tubig ang bawat Pilipino.