Simula pa noong unang panahon, sakit na ng mga pulitiko ang pagkakaroon ng tropa ng mga armadong magbabantay sa kanila. Ito ay totoo may eleksyon man o wala. Ngunit kapag panahon ng eleksiyon, lalong naglipana ang mga kandidatong napalilibutan ng sangkaterbang bodyguards.
Dahil diyan, kapag nagkainitan ang kampo ng mga kandidato, ito ay humahantong sa sagupaan. Nang si Rafael Alunan ay manungkulang DILG Secretary sa panahon ni Pres. Fidel V. Ramos, naglabas siya ng kautusan na tinatawag ngayong “Alunan Doctrine”.
Sa kautusan, itinuturing na private army ang pagkakaroon ng higit sa dalawang bodyguards ng isang kandidato. Ang mga pulitikong lalabag dito ay puwedeng panagutin.
Mayroon naman tayong pulisya na handang magbigay proteksyon sa mga kandidato at hindi na kailangan pang umupa ng personal bodyguard. Ngunit kung nangangamba sila sa kanilang kaligtasan, puwede naman basta hindi lalampas sa dalawa ang kukuning bodyguards.
Iniutos ni President Duterte na ipatupad ang lumang Alunan Doctrine. Tama lamang ito para mabawasan kundi man tuluyang masugpo ang mga elections related violence na hindi nawawala tuwing election period. Ang sinumang pulitikong lalabag ay aarestuhin, diin ng presidente.
Naniniwala ako na madalas, ang pagkuha ng bodyguards ay hindi talaga para sa proteksiyon ng isang pulitiko kundi upang ipaglantaran ang kanyang lakas para masindak ang iba. Dapat nang putulin ang kahambugang ito ng ilang pulitiko.