Kabilang ako sa nagmasid sa kaganapan noong Easter Sunday. Ang tatlo sa presidential candidate, idiniin na wala sa kanilang aatras sa laban.
Sa presscon, maraming binitiwang salita na naging palaisipan, lalo na laban sa katunggali nilang kandidato. Malinaw na “e-mo” o madamdamin ang pinanggalingan.
Subalit mayroon din akong narinig na salitang hindi maaring balewalain. Hayagang inanunsyo raw ng isang kampo na kapag manalo si Senador Ferdinand “BBM” Marcos Jr. ay magkakagulo. Sa totoo lang ay wala naman tayong narinig o nabasa pang ganon. Kung may hinanakit akong narinig at nabasa mismo ay ito: “guguho ang ating mga institusyon kapag pinayagang manalo si BBM”.
Hindi natin mapigilan ang sarili o ang kapwa sa kung ano ang nais paniniwalaan. Siguradong may laman, hugot, batayan ang bawat opinyon. Paniwala at opinyon. Ang masabi lang na meron tayo nito ay patunay na ang mga institusyong kinatatakutang maglaho ay narito pa sa ngayon. Lahat ay malayang bigkasin ang paniwala at ipaalam ang opinyon.
Ang pinakamatayog na pruweba ng layang ito ay ang prangkisa ng pagboto. Marami tayo sa lipunan. Iba-iba ang ating paniwala. Dahil tayo ay napapaloob sa demokrasya, ang mga importanteng desisyon ay naabot sa pamamagitan ng ating mga halal na kinatawan. Tanging ang eleksyon ang lehitimong paraan upang malaman ang kagustuhan ng nakararami. Kung kaya ang makilahok at bumoto sa halalan ang siyang sukdulan ng ating obligasyon bilang mamamayan.
Sa ganitong proseso, sadyang may mananaig at may hindi mapapagbigyan. Ito ang realidad ng demokrasya. Ang pinakaunang prinsipyo ay ang respetuhin ang desisyon ng mayorya. Ang mga nananakot na guguho ang demokrasya o magkakagulo, sinuman ang manalo, ay walang naiaambag sa istabilidad ng ating pamumuhay.
Marami nang putik na naisaboy sa kampanya. Normal lang ‘yan sa halalan. Subalit isport lang dapat. Kasama sa fair play ang pagtanggap ng resulta ng laban, manalo man o matalo. Sana ay pangatawanan ito ng ating mga kandidato at ng lahat ng kanilang tauhan.