Hati ang opinion ng taumbayan tungkol sa joint presscon na idinaos ng mga Presidential aspirants na sina Ping Lacson, Isko Moreno at Norberto Gonzales kamakailan. Siyempre, ang pananaw ng tao sa isyu ay depende sa kampong pinapanigan. Kung pro-Marcos ka, durog si Robredo subalit kung pro-Robredo ka, puntos ito para sa kanya.
Noon pa, may pangamba ako na kahit sino ang manalo kina Robredo at Marcos, puwedeng magkaroon ng kaguluhan sa bansa. Kung matalo si Marcos, katakut-takot na protesta ang mangyayari at gayundin marahil kung si Robredo ang matatalo.
Kung sa presidential level mangyayari ito, mistulang baldado ang mananalong presidente dahil wala siyang aatupagin kundi ipagtanggol ang sarili sa fraud allegations.
Ang rason umano ng tatlo sa pagpapatawag ng press conference ay upang tutulan ang pag-udyok sa kanila ni Robredo na umatras sa presidential race. Mas matapang at marahas ang buwelta ni Moreno nang sabihin na si Leni ang dapat umatras at hindi sila.
Sama-sama pa nilang binatikos si Robredo sa pahayag umano nito na kung matatalo siya sa eleksyon ay may mangyayaring malaking kaguluhan. Ngunit may mga pagdududa kung totoong sinabi talaga ito ng bise presidente.
Kahit sabihin pa ng tatlong presidential bets na ang presscon ay hindi “anti-Robredo” iyan mismo ang impresyong nilikha nito sa marami. Na ito’y isang disimuladong taktika na ang layunin ay siraan ang bise presidente sa kanyang presidential bid.