EDITORYAL - Sayang, ‘di-inaprub ang SIM card bill
KUNG alin ang dapat aprubahang panukalang batas sapagkat kailangan para sa proteksiyon ng mamamayan, ‘yun ang hindi ginagawa. At kung ano naman ang dapat na hindi aprubahan, ‘yun ang agad-agad na nilalagdaan. Nakapagtataka talaga ang nangyayari ngayon.
Katulad nitong panukalang registration ng subscriber identity module (SIM) at social media accounts na nakapaloob sa Senate Bill 2395 at House Bill 5793 na hindi inaprubahan o vineto ni President Duterte. Maraming umasa na lalagdaan ito ng presidente sapagkat usung-uso ngayon ang krimen na may kinalaman sa electronic communication. Bukod sa pagnanakaw ng account gamit ang cell phone at iba pang gadget, ginagamit din ito sa pagpapakalat ng fake news at iba pang maling impormasyon. Kung rehistrado ang SIM card at social media accounts, mapipigilan ang mga masasamang gawain o ang tinatawag na cyber crime.
Kung tutuusin, maliit na bagay lang naman kung bakit hindi nilagdaan ng presidente ang SIM card bill. Ayon kay Presidential Communications Secretary at acting presidential spokesman Martin Andanar, isang dahilan kung bakit vineto ang panukalang batas ay dahil isinama ang social media providers na irerehistro na sa orihinal na version ay hindi naman kasama. Sabi umano ng presidente, dapat pag-aralan pang mabuti ang panukalang batas sapagkat marami pa ang hindi na-defined at na-dicsussed kaugnay sa social media registration. Hindi raw naipaliwanag na mabuti ang ukol dito.
Maganda at napapanahon ang layunin ng panukala sa SIM card at social media registration. Bukod sa malalabanan ang cyber crime, madaling matutunton ang mga terorista na ang ginagamit na trigging device sa pagpapasabog ay cell phone. Kung rehistrado ang SIM card, mahahanap agad ang salarin. Ngayong nagkalat ang mga bayarang trolls, madali silang maa-identify. Sayang at hindi naaprubahan ang panukala na maganda ang layunin.
- Latest