Natural lang sa tao na magsama-sama ang magkakaugali. Kaya makikilala mo ang indibidwal batay sa mga nakapaligid sa kanya.
Maari itong gawing pamantayan sa paghalal ng kandidato. Alamin natin sino ang mga kaibigan niya.
Ang mga tumataguyod ba sa kandidato ay mga kawatan, makasarili, malulupit? Kung gan’un, malamang na mangurakot lang siya kapag nasa puwesto. Magpapatupad ng mga patakarang pabor sa sariling negosyo o kadinastiya at kapartido. Magkukunwaring maka-mahirap, pero wala naman talagang pakialam sa kapakanan ng madla.
Ipupuwesto niya bilang tagapayo at burokrata ang mga taga-kampanya niya. Babawiin nila ang mga kontribusyon sa pangungumisyon sa kontratang gobyerno. Kakapusin ang pondo para sa imprastruktura at serbisyo. Resulta: kalsadang madaling masira, gusaling magigiba ng bagyo o lindol, pabahay na hindi matirahan, gamot na walang bisa, o kapos na ayuda tuwing sakuna.
Iniendorso ba ang kandidato ng mga subok nang opisyal at lider ng lipunan? Halimbawa, malilinis at mahuhusay na mambabatas, kalihim, mga tagapagturo, propesyonal, intelektwal at layko.
Kung gan’un, maaasahan silang tumulong kung manalo ang kandidato. Matutupad ang mga plataporma. Isusulong ang nutrisyon, edukasyon, kalusugan, hanapbuhay, kasaganahan, katiwasayan, katahimikan, hustisya. Liliwanag ang kinabukasan.
Madaling malaman kung sino ang sumusuporta sa kandidato. Naglalabas sila ng mga kalatas kung bakit gusto nila siya. Sinasamahan nila ang kandidato sa pag-iikot. Kinukumbinse nila ang iba na sumapi.
Maging mapagmasid kung sino sila. Mapagtitiwalaan mo ba silang maging kaibigan ng sarili mong anak?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).