UMak SoL Pioneer 9: proud na proud kami sa inyo!

Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!

Dala ng muling pagkabuhay ni Hesus ang bagong pag-asa para sa ating lahat. Buong puso akong nagpapasalamat sa Poong Maykapal sa pag-agapay sa atin upang makatawid mula sa pagsubok ng pandemya nitong nakaraang dalawang taon.

Nagpapasalamat din ako sa patuloy na pagtanggap ng mga biyaya ng Makati. Noong April 12 ay inilabas ang resulta ng kauna-unahang digitized bar exams kung saan may 8,155 law graduates ang pumasa mula sa 11,402 test takers sa buong Pilipinas.

Walang pagsidlan ang aming kagalakan at pagka-proud dahil ang unang siyam na bar examinees mula sa University of Makati School of Law (UMak SoL) ay nakapasa lahat. Bukod pa rito, dalawa sa kanila — sina Jamille Justine Perez Santos at Jonah May Crizaldo Enayo— ay tinawag na “exemplary passers” dahil ang kanilang score o grado sa bar exams ay lumagpas sa 85%.

Malugod ko ring binabati ang iba pang bar passers mula sa UMak SoL na sina Janos Randel Alvarez Antona, Kristofferson dela Cruz, Glenn Wil Delima Egano, Ma. Lilibeth Bautista Fabre, Dexter Jay Fernandez Bagumbay, Oscar Bunag Catolico III, at Joshua Janine Gabriel Lugtu.

Bilang kapwa abogado, alam ko ang hirap na pinagdaanan at disiplinang kinailangan ng ating pioneer batch bago sila nakapasa ng bar exam. Ang lahat ng puyat, pagod, at panahong pinanghinaan kayo ng loob ay napalitan ngayon ng galak at tagumpay. Nagbunga ang inyong pagsisikap at ang suportang ibinigay sa inyo ng inyong mga mentor at ng UMak.

Nakikiisa ang pamahalaang lungsod sa saya at tagumpay ninyong lahat sampu ng inyong pamilya. Simula na ito ng mas magandang buhay at kinabukasan para sa inyo, mga #ProudMakatizen lawyers.

Napakalapit ng UMak School of Law sa aking puso dahil isa ito sa mga inisyatibo ng aking amang si former Vice President Jejomar Binay. Ninais niyang magkaroon ng Juris Doctor (J.D.) program sa UMak at bigyan ng full scholarship ang mga deserving law students mula sa lahat ng panig ng bansa.

Bukod sa libreng tuition, ang UMak SOL scholars ay may monthly allowance na P10,000 at P20,000-book stipend para sa two semesters.

Ang University of Makati ang unang ISO-certified local university sa bansa. Bukod sa School of Law ay consistent din ang UMak sa magandang performance nito sa iba’t ibang licensure at board exams.

Laging sinasabi ng aking ama na “education is the great equalizer”. Dito sa Makati, hindi handlang ang kahirapan at kakapusan para maabot ang pangarap ng isang batang Makatizen. Nandirito kami para ibigay ang nararapat na suporta, tulong pinansiyal, at ang pinakamagagaling na mentors para hubugin, linangin, at ihanda ang ating mga #ProudMakatizens para sa hamon ng makabagong panahon.

Show comments