^

PSN Opinyon

Kung mangingibang-bansa: Paano makikitungo sa ibang lahi?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang sa kasalukuyang unti-unti nang nagluluwag pagkaraan ng dalawang taong pandemya ang pangingibang-bansa bagaman may mga ipinapatupad pa ring mga kaukulang panuntunan sa mga bumibiyahe patungo sa ibayong-dagat.

Tulad ng dati, isa sa dapat asahang makakaharap sa pangingibang-bansa ang dayuhang kultura na iba sa nakasanayan at kinalakihan nating mga Pilipino dito sa Pilipinas. Magtatrabaho ka man, mag-aaral, magnenegosyo, mamamasyal, magbabakasyon o permanenteng maninirahan sa ibayong-dagat, mahalaga ang pakikiangkop, pakikisama at paggalang sa pamumuhay, paniniwala, lengguwahe, pagkilos, pananalita, relihiyon, pagkain, sistemang panlipunan at kultura sa pangkalahatan ng mga katutubong mamamayan sa bansang dadayuhin. Tulad din iyan ng inaasahan natin sa mga dayuhang nagagawi sa Pilipinas na dapat din silang makiangkop at gumalang sa mga sistema, kultura, pananaw, paniniwala at pamumuhay natin dito.

Sabi nga ng ilang mga eksperto sa komunikasyon, mahalagang matutunan kung paano makikipag-usap at makiharap sa mga dayuhan sa ibang bansa para makabuo ng magandang relasyon sa kanila. Magiging madali kung matututunan mo ang kanilang kultura at ang pagiging mapagpasensiya at mapagparaya. Kung marunong kang makipag-usap sa kanila, matututunan mo rin ang kanilang kultura at maibabahagi mo sa kanila ang sarili mong kultura.

Kung maaari nga, bago pumunta sa isang partikular na bansa, maglaan ng sapat na oras o panahon para matutunan ang mga dapat at hindi dapat gawin sa kultura nito. Marami na namang mapagkukunan ngayon ng impormasyon sa kultura ng iba’t-ibang bansa sa mundo.

Ayon nga sa mga communication expert, magkakaiba ang mga kultura sa iba’t-ibang bansa.  Mayroong mas direkta o hindi direktang nagpapakita ng emosyon,  maaaring matipid magsalita o madaldal at  ang sistema ng komunikasyon ay iba ng sa iyo. Paghandaan ang naiibang kulturang makakaharap kapag may nakakaharap na dayuhan.

Isa sa mga dapat maunawaan sa mga dayuhang kultura ang mga posibleng patakarang hindi naisusulat na hindi mo kabisado o nakasanayan.  Kung mula ka sa kultura na magkapantay ang lalaki at babae sa pamamaraan ng pakikipag-usap, meron namang ibang kultura na ang mga lalaki ang laging nagsasalita.

Maging magalang at mapagparaya. Bawat kultura  ay may sariling mga kahalagahan, paniniwala at kinikilingan. Maaaring lumitaw ang mga senyales na ito kapag nakikipag-usap sa isang dayuhan. Igalang kung ano man sila. Baka may matutunan ka pang bago sa kanila.

Maging bukas at mapagpasensiya sa halip na makipagtalo sa isang dayuhan kung namamagitan sa inyong pag-uusap ang magkaiba ninyong kultura.  Maaaring makapagpamulat at karapatdapat ang komunikasyon sa mga dayuhang iba ang kultura. Asahang hindi lahat ng bagay ay magiging tama o ganap na mauunawaan.  Magpasensiya sa kanya at hilingin sa kanya na maging mapagpasensiya rin.

Magsalita nang malinaw at mabagal kung kailangan.  Huwag magtaas ng boses o tratuhin ang dayuhan na parang hindi sila nakakaunawa. Lalo kang hindi mauunawaan kung sumisigaw ka at maipapalagay na bastos ka. Kung may kahirapan ang pakikipag-usap sa isang dayuhan, huwag sila tratuhin na parang hindi sila matalino.  Ang mga kahirapan sa komunikasyon ay nagmumula sa pagkakaiba ng mga kultura. Hindi ito usapin ng talino.

Alamin din kung paano pormal na  tinatawag ang isang tao sa bansang dadayuhin.  Depende pa rin ito sa kanilang kultura. Maaaring tinatawag sa apelyido o unang pangalan ang dayuhan, o  ang pangalan ay kinakabitan ng “Mr.” o “Sir.”

Kung may kakausaping dayuhan,  subukan munang pag-aralan ang ilang mga basic phrases sa kanyang lengguwahe.  Maaaring hindi kailangang maging mahasay at bihasa sa isang dayuhang wika pero maaari namang subukang pag-aralan ang ilang mga salita nito. Praktisin ang ilang mga salita nila na may katumbas halimbawa sa Ingles na “Hello,” “Please,” “Thank you,” “How are you?” at iba pa. Laging magdala ng phrase book o electronic device gaya ng smartphone na makakatulong na makakita ng mga kailangang salitang dayuhan.

Iwasan ang pabalbal at lapastangan na pananalita. Mahalaga ito maliban na lang kung sigurado ka kung paano ito ginagamit sa ibang kultura. Lalo kang hindi maiintindihan kung gagamit ka ng mga malalaswang lengguwahe.

Sa ilang mga dayuhan o ibang kultura, ang pagtutok ng hintuturong daliri na nagpapahiwatig ng “ok” sign at ibang common gesture ay maaaring itinuturing na kabastusan.  Dahil hindi ka sigurado kung anong gesture ang dapat o hindi dapat, gumamit lang ng open handed gesture. Halimbawa, gamitin ang buong kamay kung meron kang itinuturo.

May mga dayuhang kultura naman na bawal tumingin nang diretso sa mata ng kausap.  Itinuturing nila itong kabastusan, nang-aaway o sensyales ng pagnanasa. Sa ilang kultura, isang paggalang ang huwag tumingin nang diretso sa mata ang isang nakakataas na tao habang kausap ito.

Asahan at alamin din ang mga facial expression ng mga makakaharap na dayuhan. May mga dayuhan na palangiti at meron namang ang turing sa pagngiti ay kababawan. Meron namang iba na mas mababakas sa mukha ang kasiyahan, kalungkutan, kabiguan, pagkadismaya at iba pa.

May mga dayuhan naman na mas gustong magkalayo o magkalapit kayo sa isa’t-isa sa inyong pag-uusap. Sikapin lang na sundan ang ginagawa nila at makipag-usap hangga’t maaari.

* * *

Email- [email protected]

DAYUHAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with