MISIS: ‘‘Wala nang pang-gatas si baby.’’ Mister: ‘‘Magkaisa na lang tayo.’’
‘‘Pagkakaisa” ang pinaka-gasgas na salita ngayong kampanyang halalan. Bukambibig ‘yon ng maraming kandidato sa talumpati — solusyon sa lahat ng suliranin: “Hangad ko’y pagkakaisa. Sa bakuna, magkaisa. Sa karalitaan, magkaisa. Sa bilihin, magkaisa.”
Nagiging joke na tuloy ang pagkakaisa.
Sa totoo, napaka-halagang kilos ang pagkakaisa. Kapag mag-kapit-bisig, magagapi ang pagsubok, makakamit ang tagumpay.
May kandidatong kapani-paniwala kapag nanawagan ng pagkakaisa, at may hindi. Kung nangangako ang kandidato ng reporma at dinedetalye ito, dapat nga magkaisa ang botante sa kanya. Ehemplo: iaangat ang buhay ng magsasaka at mangingisda, tutulungan sila sa binhi at pataba, bibigyan sila ng matitibay na bangka at motor at lilimitahan ang pag-angkat ng mga produktong kokumpetensiya lang sa kanila. Isa pa: ikakalaboso ang mga tiwaling opisyal, tutugisin ang kanilang mga nakaw na yaman, uuliratin ang bank accounts nila at mga kapamilya, at susuriin ang estilo ng pamumuhay.
Nambobola lang ang kandidato sa panawagang pagkakaisa kung: bengatibo siya, pala-away o intriga ang kaanak, umiiwas sa buwis at mga pananagutan, sinosolo ng dinastiya ang mga pambansa at lokal na posisyon, at kinukurakot ang kaban ng bayan para pambili ng boto at manatili sa puwesto. Nagpapauto ang makikiisa sa ganyan.
Korapsiyon at dinastiya ang sumasakal sa kaunlaran. Ang bilyon-pisong binubulsa ng mga kawatan ay hindi nabubuwisan. Pinambibili nila ng mansiyon sa abroad, alahas at sports cars. Nawawalan ng pondo ang mga proyektong pangkabuhayan, nutrisyon, edukasyon, kalusugan at pabahay. Dati-rati malaki na ang P200 milyon na nalilikom ng isang dinastiya. Ngayon target nila ay maka-P20 bilyon, maski mula sa maliit na probinsiya o lungsod. P1 trilyon ang nawawala taun-taon sa budget.