MAHIGPIT na ipinapayo ng mga doktor na huwag maglagay ng kahit anong bagay sa taynga. Huwag maglagay ng cotton buds o toothpick sa loob ng taynga para maalis ang tutuli. Kung gustong maglinis ng taynga, hanggang bimpo lang ang puwedeng gamitin para maalis ang tutuli.
Anong gagawin sa tutuli?
May dalawang klase ang tutuli. Ang una ay ‘yung tuyo at maputing tutuli. Ang pangalawa ay yung basa at madilaw na tutuli.
Ang trabaho ng tutuli ay para protektahan ang ating eardrum sa dumi. Hinaharang ng tutuli ang mga duming pumasok sa ating taynga at unti-unti itong lalabas ng kusa sa taynga. Dahil dito, hindi naman talaga kailangan nang maglinis ng taynga.
Kung mangyari na bumara ang iyong tutuli, medyo mabibingi ka.
Huwag gumamit ng cotton buds at baka lalong pumasok ang tutuli sa loob ng taynga. Ang delikado pa rito ay baka mabutas mo ang iyong ear drum. Tandaan: Ang butas na ear drum ay maaaring hindi na maghilom. Mabibingi at magkakaluga pa ang iyong taynga.
Ano ang gagawin kapag nakabara ang tutuli?
Una sa lahat, kumunsulta sa isang ENT (Ear, Nose and Throat) doktor bago gawin ang mga sumusunod na tips.
1. Puwedeng magpatak ng mineral oil o baby oil sa apektadong taynga. Kung may pera, puwedeng bumili ng Docusate sodium ear drops na pinapatak sa tainga. (Tandaan: Huwag gawin ito kung may tsansa na butas ang iyong eardrum.)
2. Humiga sa iyong tagiliran ng 20 minutos para manuot ang likido sa tumigas na tutuli.
3. Gawin ito dalawang beses sa maghapon hanggang tatlong araw. Hantayin na matanggal ang tutuli ng kusa.
Narito pa ang mga karagdagang payo para maprotektahan ang taynga:
1. Hinaan ang volume ng iPod, radyo o stereo.
2. Huwag lumapit sa speaker sa concert.
3. Takpan ang taynga kung maingay ang lugar.
4. Huwag maligo sa dagat at maruming swimming pool.
5. Tuwalya o bimpo lang ang puwedeng panlinis ng tainga.