Ate Maki’s ‘Jolly Carts’ bagong simula sa ProudMakatizen vendors

Mahigit 40 Ate Maki’s Jolly Carts ang aming ipinamahagi noong Lunes, March 21, upang lalong iangat ang antas ng pamumuhay ng ating ProudMakatizen vendors.

Ang unang batch na nakatanggap ng panghanap­buhay na Jolly Carts ay ang mga pinakanaapektuhan ng hagupit ng pandemya. Sa munting programang ito ay muli silang magkakaroon ng marangal na hanapbuhay at regular na pagkukunan ng kanilang pang araw-araw na panganga­ilangan.

Ang Ate Maki’s Jolly Carts ay bagumbago at de-ka­li­­­dad na rolling stores na maaaring gamitin para sa sari-saring­ paninda. Puwedeng fishballs, mga palamig, mani, kutkutin­, at iba pang pagkain na puwede nilang ibenta sa mga piling lugar sa Makati.

Hindi lamang sila basta binigyan ng safe at sanitary rolling stores. May basbas ng lokal na pamahalaan na sila ay makapagtinda sa mga piling lugar sa Makati na matao ngunit hindi sila makaaabala sa daloy ng trapiko o makakaharang sa pedestrians.

Ang bawat vendor ay may assigned na lugar o open space kung saan sila maaaring pumuwesto at puntahan ng kanilang mga suki.

Ang Ate Maki’s Jolly Carts ay daraan sa inspeksyon at palagiang itsi-tsek para makasigurong laging malinis at sumusunod sa public health at safety protocols ang mga vendors sa araw-araw nilang pagtitinda.

Dahil ito ay negosyo, binigyan namin ng pagkakataon ang mga vendor na masabing sila ang nag-invest sa kanilang pedicarts. Ang Jolly Carts ay lease-to-own at may hulog na P20 kada araw sa loob ng tatlong taon. Pagka­tapos nito ay property na ng mga vendor ang kanilang food cart.

Mayroon din silang Memorandum of Agreement (MOA) sa pamahalaang lungsod kung saan nakadetalye ang mga pagkaing puwedeng ibenta pati na rin ang oras, araw, at lugar kung saan sila maaaring makapagtinda.

Ito pa lamang ang unang batch ng Ate Maki’s Jolly Carts, marami pa pong inihahandang pedicarts para sa iba pang gustong magkaroon ng sariling negosyo.

Bukas din po ang application para sa Ate Maki’s Jolly Cart program ng Economic Enterprise Management Office (EEMO) sa lahat ng gustong mag-apply. Puwedeng pumunta sa kanilang tanggapan sa 8th floor ng Makati City Hall Building II, tumawag sa 8870-1626, o magsubmit ng requirements sa eemo.makati.gov.ph@gmail.com.

Sama-sama po tayo sa pagbangon at pagpapalakas ng ating ekonomiya pagkatapos ng pandemya. Suportahan natin ang pinakamaliliit na negosyante sa lungsod at tulungan silang magkaroon ng marangal at maaasahang hanapbuhay.

Show comments