Bagong usong sideline: Pagpapaupa ng anik-anik

Naaalala ko nu’ng dekada-’60-’70 nagpapaupa ang film producers ng pelikula, projector at baterya ng truck para ipalabas sa plaza sa baryo. Nu’ng dekada-’80-’90 nagpapaupa ang kooperatiba ng chainsaw o hand tractor­ sa magbubukid o magkakaingin. Nu’ng 2000-2015 dumami­ ang ukay-ukay ng lumang damit. Ang dating upahan ng sine ay DVD na. Ang mga resto-bars umuupa ng jukebox, media players, disco lights.

Mula 2016 pumutok sa mundo ang sideline na Air BnB, panandaliang paupa ng bakanteng tirahan. At ride-hailing, paupa ng bagong sasakyan. Umaabot sa $40 bil­yon ang taunang kita ng mga nagpapaupa.

Ngayon kahit ano ay inuupahan na. Ang Generations X, Y at Z kasi ay minimalists. Hindi sila bumibili ng kung anu-ano. Nais nila ay puro biyahe at barkada. Ang ginagastahan nila ay hindi bagay kundi karanasan at samahan na hindi malilimutan. Ang ari-arian lang na pansarili ay konting damit at smartphone.

Sa buong mundo nauupahan na ang signature handbags at maleta, coats, evening at wedding gowns. Pati alahas ay mauupahan, may insurance. Mga modernong gadgets gan’un din: sopistikadong camera pang-photo o video, solar panel at battery, motorsiklo, drone, at robot­. Buo-buong sala o dining set puwede rin, antigo pa kung nais. Para sa artistic, kahit anong musical instrument o special effects sa entablado. Para sa matalinong bata, mahihirap na puzzles, science experiment set, at sasak­yang de-makina. Sa matiyaga, pangawil at pang-deep sea fishing.

Simple ang pilosopiya. Huwag ibasura ang kasangkapan; mapagkakitaan ito basta i-advertise online. Huwag bumili ng panandalian lang gagamitin; merong mauupahang mura.

Sa gan’ung conservation nabibiyayaan ang kalikasan. Hindi na kailangang minahin at hulmahin sa pabrika lahat. Kaya bawas polusyon.

Sana ang konting palaaway na bansa ay magpaupa sa isa’t isa ng armas at mag-ubusan sila. Matatahimik, masasalba ang mundo.

Show comments