Mabuti naman at ginawang P500 bawat buwan ang ayuda sa mahihirap. Makakabili na ito ng limang kilong bigas, limang lata ng sardinas, limang cup ng instant noodles, isang 200 grams instant coffee at isang kilong refined sugar. Puwede na sa limang miyembro ng pamilya. Makakaraos na kahit paano.
Sinabi ni President Duterte na inatasan niya si Finance Sec. Sonny Dominguez na gawing P500 ang ayuda sa halip na P200. Masyadong maliit ang P200 at hindi magkakasya sa limang miyembro ng pamilya. Nakatanggap umano siya ng feedback na masyadong maliit ang P200 kaya pinadagdagan niya. Sabi ng Presidente, huwag daw waldasin ng mga benepisyaryo sa e-sabong ang P500 na ayuda.
Ang pagtaas ng presyo ng petroleum products ang dahilan kaya tumaas ang mga bilihin at hindi na makasapat ang kinikita ng mga manggagawa. Nag-rollback ang gasolina at diesel noong Martes pero ang masaklap na balita, sa darating na Martes ay magtataas muli. Kaya ang P5.45 na ni-rollback sa gasolina at P11.45 para sa diesel ay babawiin muli. Walang pagbabago. At magpapatuloy pa umano ang oil price hike dahil sa patuloy na giyera sa Ukraine na mag-iisang buwan na ngayon. Nagmahal ang langis dahil sa sanctions na ipinataw sa Russia. Ang Russia ay ikalawang bansa sa mundo na nagsusuplay ng langis.
Maaaring napilitan na rin si President Duterte na gawing P500 ang ayuda sa mahihirap para makaiwas sa panawagang pagbuwag sa excise tax ng petroleum products. Marami ang umaapela na itigil muna ang pagkolekta sa fuel tax para bumaba ang presyo ng gasolina at diesel. Sa ilalim ng TRAIN law, puwedeng itigil ang fuel tax kapag naging $80 per barrel ng langis. Ngayon ay $110 na bawat barrel.
Pero tutol ang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Finance. Hindi raw maaaring itigil ang pagsingil sa fuel tax. Dito umano nanggagaling ang pondo na ginagamit sa “Build, Build, Build Program’’.
Kung magpapatuloy ang giyera sa Ukraine, tiyak na tataas pa ang presyo ng gasolina at diesel na ang resulta ay pagtaas pa ng bilihin kaya ang sumatotal kaunti na lang ang mabibili ng P500 na ayuda. Magtipid na lang kahit walang titipirin at ang mahalaga, huwag matutuksong isugal o isapalaran sa online sabong ang kapiranggot na ayuda.