Mabagal ang ayuda mula sa pambansang gobyerno. Inaasahan ang pribadong sektor na manguna sa pagmudmod ng gamot, tubig, pagkain, damit, kumot at gamit pambahay. Luhaang sinasalansan ng mga biktima ang maari pang ipangtayo ng bagong tirahan. Nagtitiyaga sila sa mainit at masikip na evacuation centers. Sira ang hanapbuhay at pag-aaral. Nangangako ang mga opisyales ng tulong — habang ibinibintang sa kapalaran ang sinapit ng madla.
Hindi kapalaran ng tao maging kawawa o sawi. Isinilang siya nang malaya at may dangal. Taglay niya ang potensiyal para maging matiwasay at kapaki-pakinabang. Karapatan niya ang kasaganahan.
Pero malaki ang balakid — ang bulok na sistema. Sa Malacañang naluluklok ang mga lumang politiko na walang bagong ideya. Hinihirang nila ang mga kapwa atrasado mag-isip bilang bureaucrats. Pinatatatag ang sariling dinastiya sa pinanggalingang pook. Kakampi sa bawat probinsiya at distrito ang mga kapwa “tra-po”, o tradisyonal na politiko. Sila-sila na lang palagi. Pinaparti-parti ang yaman ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel at komisyon sa pampublikong kontrata. Nagtatakipan pa sila kapag nabisto sa katiwalian.
Hindi dapat paulit-ulit at taun-taon ang sakuna. Tungkulin ng mga lider ipatupad ang batas. Sa ligtas na lugar at wastong standards dapat nagtatayo ng pabahay — hindi sa tabing-bangin, gilid ng ilog o pampang ng dagat. Pero doon sila dahil walang pondo ang lokal na gobyerno para sa maayos na lupa. Doon lang sila kung saan may komisyon ang opisyal sa pagbili ng paglilipatan.
Kaya sa susunod na sakuna ubos na naman ang katiting na naipundar ng mga maralita. Aasa pa rin sa mga “tra-po”.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).