Parami nang parami ang sumisigaw nang pagtutol sa Vape Bill (Senate Bill No. 2239) na kara-karakang ipinasa ng mga senador noong nakaraang Disyembre 2021. Sa halip na mga batas na makakatulong sana para makaahon sa kahirapan ang mamamayan (lalo ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya), inuna pa ang Vape Bill na magdudulot ng sakit sa mga gagamit nito. Ang matindi pa sa panukalang batas na ito --- Vaporized Nicotine and Non Nicotine Products Regulation Act, binabaan pa ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang makaka-access.
Kahit saang anggulo tingnan, walang makitang magandang dahilan para pag-aksayaan ng panahon ng mga mambabatas na apurahin ang pagpapasa ng panukala at ginawa pa nila sa panahon ng pandemya. Anong maidudulot ng vape at kailangan itong unahin?
Umalma ang health advocates at iba pang sector sa pagkakapasa ng Vape Bill. Sinabi ng mga doktor na delikado ito sa kalusugan. Katulad ng sigarilyo, mapanganib ito lalo na sa mga kabataan. Mariing sinabi ng Department of Health (DOH), ang panukalang batas ay kumukontra sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Nagtagumpay na anila ang bansa para sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.
Ayon sa mga eksperto, ang vape ay may chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng 16-anyos na babae sa Visayas. Ayon sa report, second hand smoke ang tumama sa biktima na nalanghap sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.
Kamakalawa, nakiisa ang Deparment of Education (DepEd) sa panawagan na i-veto ni President Duterte ang Vape Bill. Panawagan ng DepEd sa presidente, protektahan ang kabataan sa bisyong ito. Sa kasalukuyan, umabot na sa 48 medical groups ang humihiling sa presidente na ibasura ang kontrobersiyal na panukalang batas.
Magsama-sama ang lahat para mapahinuhod si President Duterte na huwag lagdaan ang Vape Bill. Labanan ang ganitong produkto na nakasisira ng buhay lalo ng kabataan. Iligtas ang kabataan sa vape.