Pagbibigay inspirasyon sa mga kababaihan ng mga kababaihan
“We must reject not only the stereotypes that others have of us but also those that we have of ourselves.” – Shirley Chisholm
Ito ang paborito kong quotation tungkol sa pagiging babae, at nais kong ibahagi ito sa aking magagaling at naggagandahang mga kasambuhay ngayong Women’s Month! Si Shirley Chisholm ay isang politiko, educator at manunulat. Siya rin ang unang babaeng African-American na nahalal sa kongreso ng Estados Unidos. Bagamat naging matagumpay siya sa kanyang career, tulad ng karamihan sa mga kababaihan, kinailangan niya ring malampasan ang maraming mga pagsubok. Tulad ng sinasabi sa quotation, ang bawat isa sa atin ay produkto ng ating nakaraan, at marami tayong stereotype o mga konsepto na inilalagay natin sa ating mga sarili na siyang pangunahing naglilimita sa ating kakayahang maabot ang ating mga pangarap. Kaya para magtagumpay, nagsisimula ang lahat sa ating sariling pag-iisip o mindset, at sa ating determinasyon at lakas ng loob na talunin ang mga paagsubok sa buhay. Mahalaga rin na magkaroon ng suporta mula sa mga tao sa paligid mo – pamilya, kaibigan, katrabaho, atbp. – na ginagamit ng Diyos upang maging instrumento sa pagpapakita ng Kanyang pagmamahal at pagkalinga sa ating lahat.
Inka Magnaye: Pagbibigay boses sa mga babae
Ang boses ng aking panauhin sa Pamilya Talk, ang voice actor na si Inka Magnaye, ay kilalang-kilala nating lahat. SIya ang in-flight voice ng Philippine Airlines (PAL), ang trabahong kanyang minana sa kanyang inang si Lindy, na siya namang boses ng PAL noong 90’s. Maraming iba pang naging voice projects si Inka para sa iba’t ibang mga commercial at announcements.
Pero mas sumikat pa siya ngayong pandemya. Sa TikTok, mayroon siyang 1.8 milyon followers, 780T sa Facebook, 235T sa Twitter, at 84T sa YouTube. Hindi iyon ganyan sa simula sabi ni Inka.
"Ako ay dati nang gumagawa at nagpo-post ng videos sa Facebook. Actually, nakita ko yung post ko nung 2017 na lumabas sa mga Memories ko sa Facebook. Ginawa ko yung video noong 2017 at 85 na views lang hanggang ngayon. Nagsimula ang pagiging viral ng videos ko nitong may pandemya at ngayon, nagrerecord na ako ng podcast. It’s been a fun journey,” pagbabahagi ni Inka. Ang kanyang content ay kadalasang tungkol sa kanyang pagiging masayahing 30-year-old, pero hinahaluan din niya ito ng pagbibigay ng tips sa pagiging voice actor at pagpapakita ng kanyang talento sa pagbabasa.
Ngayong mas napapanood na si Inka online at nagkakaroon ng maraming followers, sa kasamaang-palad, hindi lahat ng kanyang natatanggap ay positibong komento. Minsan, siya ay naba-bash dahil sa kanyang mga opinyon o kaya’y nababastos ng mga lalaki. "Mahirap ma-bash dahil nakakaapekto rin ito sa mental health ko," pagbabahagi niya.
Ang mental health ay isa sa mga bagay na isinusulong ni Inka. Itinataguyod din niya ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili at hindi pagiging sunud-sunuran sa dikta ng iba. Kitang-kita ito sa kanyang content sa social media.
"Minsan, kung ang isang babae ay nais na maging isang ina, ang mga tao, mabilis na mag-conclude na gusto niyang manatili lang sa bahay dahil siya ay tamad at ayaw magtrabaho. Kung sasabihin ng mga babae na ayaw nilang magkaanak at mas gusto nilang mag-focus sa kanilang career, sasabihin naman ng ilan na dapat silang maging isang ina dahil iyon ang inaasahan sa kanilang pagiging babae. Ayoko talaga ng ganyang mentality. Kung tatanungin mo ako tungkol sa feminism, ito ay ang paghanap ng lakas at kaligayahan sa anumang gusto mong gawin. Whatever you want to do, if you feel empowered with that choice, do it. Kung hindi ito nakakasakit sa sinuman, lalo na sa ating sarili, then I don’t think that there’s anything wrong,” sabi ni Inka.
Gusto ni Inka na laging may natututunan ang mga manonood at followers niya. “I'm very happy living my life and I want to spread the happiness. Kung talagang masaya kang tao, gusto mong maging masaya din ang ibang tao. Ang mga bitter lang ang gustong magpabagsak sa iba. Kung talagang masaya tayo sa ating buhay, gusto nating ibahagi ang pagmamahal.”
Mga kuwento ng pagkontra sa ‘stereotypes’
Tulad ni Inka, ang mga babaeng aking nakapanayam sa Women’s Month event ng Energy Development Corporation (EDC) ay may kani-kaniyang kwento at paghihirap sa buhay na kanilang napagtagumpayan. Kasama namin ang dalawa sa mga tauhan ng EDC, si Pong Portia, (Head ng Leyte Area Administrative Support) at Bel Manlapaz (Comptrollership Head of Finance). Kasama rin namin ang co-founder at presidente ng Gandang Kalikasan Inc, ang gumagawa ng Human Nature, na si Anna Meloto – Wilk.
Itinuturing ni Pong ang kanyang pakikipaglaban sa Hodgkin's Lymphoma na kanyang pinakamahirap na dinanas sa buhay. Kinailangan niyang sumailalim sa 12 chemotherapy sessions sa loob ng 6 na buwan. Kasama niya noon ang kanyang 78-year-old na ina, na isa ring doctor. Habang siya’y nagpapagamot, kinailangang magpa-heart bypass ang kanyang ina kaya’t mas bumigat pa ang kanyang pasanin.
“That journey was not just a test of physical strength, but also acceptance, perseverance, stamina, patience, as well as the strength of my bond with my family and friends,” sabi ni Pong. Pareho nilang nalampasan ng kanyang ina ang kanilang mga sakit, at patuloy silang nagpapasalamat sa Diyos at sa suporta ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang buhay naman ng kanyang kasamahang si Bel ay hindi rin naging madali. “If you really want something in life, you are going to find a way to get it; exhausting everything in your power to look for potential resources,” pagbabahagi ni Bel.
Lumaki siya sa isang maliit na bayan sa Tarlac, kasama ang kanyang pitong kapatid. Sa murang edad na 7 taong gulang, naranasan na niya ang halos walang makain dahil sa limitadong budget ng pamilya, at ang pagtitinda sa palengke ng sobrang gulay mula sa kanilang likod-bahay.
“Hindi ko kayang makipaglaro sa mga batang kasing edad ko dahil lagi akong nasa tabi ng nanay ko. Ako ang alalay niya,” sabi ni Bel. Kahit siya’y isang paslit, nagluluto na siya, naglalaba, at nag-iigib ng tubig. Kaya naman sinabi niya sa kanyang sarili na kapag lumaki siya, sisiguraduhin niyang magkakaroon siya ng mas magandang buhay at hinding-hindi niya hahayaang maranasan ng mga magiging anak niya ang kanyang pinagdaanan. Kaya naman sa kolehiyo, nagtiyaga siya, naghanap ng scholarships, at nang makapagtapos, kumayod at nagsikap para magtagumpay.
Kabaliktaran naman sa kuwento ni Bel ang kuwento ni Anna sa kanyang pagkabata dahil wala siyang hirap na pinagdaanan. Masarap ang kanyang naging buhay at sa kolehiyo na namulat ang kanyang mga mata sa kanyang papel sa lipunan nang nagka-midlife crisis ang kanyang ama.
“Tinatanong niya sa sarili niya ‘ano ang naiambag ko sa mundo?’” sabi ni Anna. Nalulungkot din daw ang kanyang ama dahil laganap pa rin ang kahirapan.
“Noon niya napagdesisyunan na lumabas sa kanyang comfort zone para pumunta sa Bagong Silang, isa sa pinakamalaking squatter relocation site sa Metro Manila. Wala siyang agenda maliban sa pakikiisa sa mga tao," kuwento ni Anna. Naalala rin ni Anna na dinala siya ng kanyang ama sa Bagong Silang dahil gusto niyang makita ni Anna ang sitwasyon ng iba. Doon niya nakilala ang isang dalagitang ka-edad niya na miyembro ng isang gang, at nagbebenta ng droga para kumita.
“That moment, I realized that we shouldn’t take for granted things that what we have. And sometimes, what we have is not entirely of our own doing. We do have to work hard and persevere, but a big part of our success is also due to luck and the system that’s already been around us,” sabi ni Anna. Kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na anuman ang trabahong gagawin niya sa hinaharap, sisiguraduhin niyang matutulungan niya ang mga nangangailangan. “Hindi ko kailangang maghintay na yumaman para makatulong sa mga tao. I put it upon myself to pay it forward.”
Tulad ng masasalamin natin sa kuwento nina Inka, Pong, Bel at Anna, ang kanilang determinasyon, lakas sa loob at tiwala sa sarili ang nagdala sa kanila kung nasaan sila ngayon—ang maging inspirasyon sa iba pang mga kababaihan. Ngunit ang napakaganda ring inamin ng 4 ay ang katotohanang hindi nila ito magagawa nang mag-isa. Malaking bagay ang suporta at tulong ng kanilang mga kaibigan at pamilya, at ang walang patid na tiwala at panalangin sa Diyos.
(Note: Ang Human Nature -- na pinamamahalaan ni Anna, ang asawang si Dylan at ang kanyang kapatid na si Camille -- ay isang Philippine-based na brand na gumagawa ng natural at murang personal care at homecare products. Sinisiguro ng founders nito na ang kanilang kumpanya at ang mga produkto nito ay laging pro-poor, pro-Philippines at pro-environment. Nagbibigaay ito ng kabuhayan sa mga residente at komunidad ng Gawad Kalinga.)
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00-5:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest