SA pagluwag ng COVID-19 protocols nagbubukas na muli ang mga restoran. Pero kapos sila sa tauhan. Nangagsi-ibang hanapbuhay na ang mga dating cooks at waiters, o kaya na-recruit sa abroad.
Ang pagkain sa labas ay pandaigdigang trend. Malaking bahagi ng food budget ng pamilya ay pang-restoran. Mas madali mag-dine out. Wala nang pagluluto at hugasin. Maraming pagpipiliang menu — mura lang. Nagkakasayahan ang mag-anak. At nakakausyoso sila sa ibang tao. Baka may makita pang celebrity.
Ang mga sinaunang restoran ay pang-komunidad. Tulung-tulong ang kababaihan ihanda ang nahuling hayop o isda ng mga lalaki. Kung ano ang ilatag sa mesa ay kakainin ng lahat; magugutom ang pihikan.
Mayayaman lang ang kumakain noon sa mansiyon dahil sa rami ng alilang tagaluto at tagasilbi.
Nauso ang orderan sa restoran nu’ng dumami ang middle-class. Napasyalan ko ang matatandang restoran ng Peking duck sa Beijing, seafood sa Shanghai, karnehan sa Xian (China), Baku (Azerbaijan), Istanbul (Turkey), at Prague (Czech Republic). De-kahoy o uling ang malalaking kalan at kawa. Kailangan malaki rin ang kusina. Pero maliliit lang ang apartments ng middle-class. Kaya dine-out miski magastos.
Nu’ng dekada-’70 nagsimula magkaroon ng food processors, microwave ovens, dishwashers at mga pampadali sa gawaing kusina. Nauso ang lutong-bahay. Nagpa-potluck parties ang mga tao.
Tapos nagmura ang karne, isda, gulay at ingredients. Nauso ang restaurant chains na may commissaries ng raw materials. Naging mura kumain sa labas. Ang malaking gastusin lang ng restoran ay advertising para takawin ang nanonood, nakikinig, nagbabasa sa media.
Nu’ng simula ng pandemya puro take-out at delivery lang ang restoran. Miski matapos ang pandemya, patuloy na lalakas ang take-out/delivery kasabay ng pagbalik ng dine-in, anang mga eksperto.