Mindful parenting at iba pang tips ng Mommy Squad
“Hindi tayo pwedeng maging perpektong mga magulang, pero kaya nating matuto.”
Ayon ito sa aktres at Star Circle Quest alumna na si Melissa Ricks, nang makasama niya sa aking programa ang kanyang matagal nang kaibigan na si Say Alonzo, isa ring Pinoy Big Brother alumna, host, at lifestyle blogger. Sina Melissa at Say ay bahagi ng Mommy Squad, ang kanilang trio ng magaganda at masisipag na mga ina na kinabibilangan din ng aktres at businesswoman na si Ara Mina.
Inimbitahan ko sina Melissa and Say (nauna na naming naging guest si Ara) sa aming Pamilya Talk, Tita Jing It’s Monday na episode, at ang aming pag-uusap ay nauwi sa mga tips sa pagiging magulang, pagiging magkaibigan, at ang pagbabalanse ng trabaho at gawaing-bahay.
Ang grupo ay mayroong palabas na Mommy Squad sa KUMU, isang Philippine-based live streaming app na nagsisilbing isa sa mga "tahanan" ng entertainers at mga taong gusto lang kumonekta sa iba pang mga manonood.
Sabi ni Say, matagal na silang magkakaibigan. “Halos magkakasabay kaming nabuntis. Nagsimula kaming umattend ng mga mommy and baby events at dahil lagi naman kaming magkakasama, sabi namin, ba’t hindi na lang kami gumawa ng isang grupo at gumawa ng videos na magkakasama? Kaso nangyari ang pandemya, kaya ngayon, nasa KUMU kami,” paliwanag ni Say kung paano nabuo ang Mommy Squad.
Bilang isang ina, mahalagang malamang mayroon kang mga kaibigan at kapwa magulang na maaaring tumulong sa iyo sa pagpapalaki ng iyong mga anak. Si Melissa at Say ay higit na nakatuon sa pagiging ina sa kanilang mga anak, gayundin sa pagiging mabuting asawa. Tulad ng marami, nagpasya silang magtrabaho na lang muna mula sa bahay at bawasan ang pagtanggap ng trabaho sa labas.
“Ang prayoridad namin ngayon ay talagang pangalagaan ang aming pamilya lalo na ngayong pandemic. Nakakaapekto ito sa mental health ng lahat, hindi lamang sa mga bata. Mahalagang naririto kami para iparamdam sa mga batang okay kami. Palaging may trabahong pwedeng gawin mula sa bahay. Mas maganda na lahat tayo ay ligtas at malusog,” sabi ni Melissa.
Alam ni Melissa ang pagkakaiba sa pagpapalaki ng isang anak na 6 na taong gulang at 13 taong gulang. Kakakasal lang niya at ngayon ay nag-aalaga siya ng kanyang anak at naunang anak ng kanyang naging mister.
“Napakahirap para sa akin ang maging first-time mom, lalo na ang pagkakaroon ng teenager nang biglaan. Kailangan talaga ng mahabang pasensya at masanay. Hindi mo dapat masyadong pinahihirapan ang sarili mo. Minsan, nadidismaya tayo sa ating sarili at hindi natin sinasadyang ilabas itong nararamdaman nating ito sa ating mga anak. Nangyari na ito sa akin nang ilang beses, pero pagkaraan ng ilang sandali ay humingi ako ng sorry sa mga bata. Kung hindi natin maintindihan kung minsan ang ilang mga bagay, ano pa ang isang 6 na taong gulang at isang 13 taong gulang? Ito ay isang proseso para sa akin at para sa mga bata, kaya dapat kaming maging mapagpasensiya sa isa't isa. Dapat natin silang gabayan upang malaman kung ano ang tama at kung ano ang mali. Maglaan ng oras upang magpaliwanag sa iyong anak at subukang ipaunawa sa kanila sa pinakamadali at pinakasimpleng paraan ang mga bagay. Be kind to them and to yourself,” paliwanag ni Melissa.
Ano ang ibig sabihin ng 'mindful parenting'?
Kasama rin namin ang sikat na clinical psychologist at founder ng Mindfulness, Love, and Compassion Institute of Psychosocial Services na si Dr. Honey Carandang. Ibinahagi ni Dr. Honey ang ibig sabihin ng mindful parenting mindset o estilo ng pagiging magulang.
“Importante na alagaan natin ang ating pamilya. Kung may krisis, sa pamilya tayo tumatakbo. Ngunit ngayon, ang ating pamilya ang mismong dumadaan sa krisis," sabi ni Dr. Honey tungkol sa iba't ibang mga krisis na nararanasan ng karamihan ng mga pamilya dahil sa COVID-19.
Dagdag dito, ayon sa inilathala ng Unicef at ng World Health Organization, mahalagang talakayin ang COVID-19 sa ating mga anak — kung bakit kailangan nating lahat na mamalagi sa bahay 24/7, at iba pang mga isyu ukol dito.
“Kailangang tingnan ng magulang ang kanyang sarili para malaman kung ano ang kanyang nararamdaman at pangatawanan ang pakiramdam na ito. Kung galit ka, sabihin mo, aminin mo. Dahil ang mangyayari, kung hindi ka aware na nagagalit ka sa isang bagay, makakaapekto ito sa iyong pagiging magulang. Maaaring magalit ka sa iyong anak, sa ka-liit-liitan niyang pagkakamali,” paliwanag ni Dr. Honey.
Dagdag pa niya, mahalagang kilala mo ang iyong sarili at kung ano ang iyong parenting style dahil ang iyong mga sasabihin o gagawin sa harap ng iyong anak ay makakaapekto hanggang sa kanyang paglaki. Naroon din ang mga panahon kung kailan maaaring masaktan mo sila nang hindi sinasadya.
"Mahalaga para sa isang magulang na maging maingat – in her words and action. Dahil kung ikaw ay reactive sa iyong anak, sasaktan mo lang siya -- physically, emotionally, mentally. Kung ikaw ay maingat at mindful, hihinto ka at iisipin mo ang iyong susunod na hakbang sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang maingat na pamamaraan ng pagiging magulang ay hindi pinagsisisihan dahil humihinto ka at nag-iisip bago magdesisyon at kumilos," sabi ni Dr. Honey.
Ano ang 'sandwich generation'?
Ayon kay Dr. Honey, ang maingat o mindful parenting ay puwede ring gamitin sa pag-aalaga sa iyong malamang ay senior citizens nang mga ama at ina. Tinatawag itong ‘sandwich generation’ kung saan inaalagaan mo ang dalawang henerasyon sa loob ng iyong tahanan: ang iyong anak at ang iyong tumatanda nang magulang.
"Kapag mayroon kang lumalaking anak at tumatanda na magulang na kailangan mo ring alagaan, ito ay maaaring maging napakahirap. Bukod sa pag-aalaga sa iyong sarili, kailangan mong alagaan ang dalawang magkaibang henerasyon. May isang punto sa iyong buhay na kakailanganin nating maging magulang sa ating ina at ama dahil sila ay nagiging mahina na," sabi ni Dr. Honey. Nangangailangan ito ng higit na pasensya at pang-unawa para sa lahat ng partido upang magkaroon ng isang maayos na tahanan.
"Gumawa ka ng schedule, dapat may balanse ng pagsasama ng buong pamilya at ang pagiging mag-isa. Ang mga bata ay dapat ding magkaroon ng espasyo at oras para sa kanilang mga bata lamang. Mainam ding magkaroon ng responsibilidad para sa lahat ng miyembro ng pamilya tulad ng pagbabahagi ng mga gawaing bahay. Gayundin, huwag kalimutang pangalagaan ang iyong sarili. Kung hindi mo aalagaan ang iyong sarili, hindi mo mapapangalagaan nang maayos ang ibang tao. Ikaw ang mapapagod,” sabi ni Dr. Honey.
"Sa mga magulang, huwag masyadong i-pressure ang iyong sarili," pangwakas naman ni Say.
Dagdag naman ni Melissa, huwag susuko sa mga pagkabigo at huwag ikukumpara ang parenting style sa sistema ng ibang mga magulang.
“Ikaw ang may pinakakilala sa iyong anak at alam mo kung ano ang makakabuti para sa kanya. Okay lang humingi ng payo sa ibang magulang, pero sa huli, ikaw pa rin ang bahalang magdesisyon at masusunod," sabi niya.
Panoorin ang aming panayam sa Mommy Squad dito:
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00-5:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest