Palaruan ng mga mandurukot

Nagpahayag ng pagkadismaya ang aktres na si Nadia­ Montenegro noong Martes sa aking programang Pambansang Sumbungan #ipaBITAGmo. Imbes daw kasi tulungan, sinisi pa ng management ng S&R-Novaliches ang kanyang ina na nadukutan sa shopping store.

Hinanakit ni Nadia, halos isang oras daw iyak nang iyak ang kanyang ina sa loob ng store, pero kasalanan pa raw nito ang nangyari. Charge to experience na lang daw ang nangyaring pandurukot.

Sa CCTV, pinalibutan at inipit ang kanyang ina ng walong tao. Ang driver ng sindikato, sumuko na sa mga otoridad habang ang pitong iba pa, may mga identidad na rin.

Reaksiyon daw ng mga pulis sa estasyong rumes­ponde kina Nadia, siya lang ang nakapagpapasok ng pulis sa loob ng shopping store. Ang ibig bang sabihin nito ay nakipagtulungan lamang ang S&R-Novaliches dahil artista ang nagrereklamo?

Bagama’t nabiktima ang ina, may mabuting naidulot daw ang kanyang pag-facebook live. Naglabasan ang iba pang biktima ng pandurukot sa S&R-Novaliches. Ang gustong sabihin ni Nadia, matagal nang nangyayari ito sa S&R subalit kataka-taka na paulit-ulit na lang.

Nagkaroon na ng play pattern ang mga mandurukot mula sa pagtarget ng kanilang biktima, paghalo sa mga customer na kunwari’y namimili hanggang sa pang-iipit sa kanilang target. Kung paulit-ulit ang pandurukot, labas-masok lamang ba ang mga suspek sa shopping store?

Nakababahala ito. Kayo diyan sa S&R-Novaliches, huwag kayong magpatay-malisya sa mga pangyayaring­ tulad nito. Baka hindi n’yo namamalayan na ginagawang palaruan ng mga mandurukot ang inyong establisimento. Ngayong may nagsalita na at nagbigay ng babala sa kapwa mamimili, kumilos kayo at gawin ang inyong parte!

Show comments