Kahapon ipinagdiwang ang Araw ng Kababaihan sa Pilipinas. Tinakda mismo ng batas, Republic Act 6949, ang March 8 kada taon ay inilaan para sa pagkilala ng mga kontribusyon ng kababaihan sa lipunan.
Ang RA 6949 ay nilagdaan noong 1990 sa ilalim ng pamunuan ng yumaong President Corazon C. Aquino. Pero bago pa ito, noong 1988 ginawang buwan ng kababaihan ang Marso sa pamamagitan ng Executive Order. Noong panahon na iyon, maituturing pang hiwalay na sektor sa minorya ang kababaihan. Sa katunayan, sa batas ng party-list (RA 7941), kabilang ang kababaihan sa marginalized sector na maaring makilahok para sa representation bilang party-list.
Malayo na rin ang narating ng sektor ng kababaihan ngayong mahigit 30 taon na ang nakalilipas. Subalit kulang pa rin. Ang mando ng RA 9710 o Magna Carta for Women ay kung maari’y maiangat sa hanggang 50-50 ang gender balance sa mga puwesto sa gobyerno. Sa larangan ng serbisyong halal, sa matataas na posisyon sa pamahalaan gaya ng presidente at bise presidente ay may tigalawa nang babae ang naupo at may malakas na kandidatong babae para sa katulad na puwesto ngayong 2022. Subalit sa pangkalahatan, ni hindi umabot sa 22% ang porsiyento ng kababaihang nahalal sa puwesto mula 1988 hanggang 2019.
Kung sa larangan ng decision making at policy making ay kulang pa, sa iba namang sektor tulad ng world sports ay umaalagwa ang Pinay. Ang ating womens football team ay napabilang sa mga makikilahok sa FIFA World Cup sa Australia/New Zealand itong 2023. Sa golf, ang Pilipina-Japanese na si Yuka Saso ay nasa top 10 sa buong mundo at naglalaro’t pumupuwesto sa pinakamalaking mga tournament sa Amerika at sa Europa. Sa Tennis, ang World top 20 na si Leylah Fernandez, Pilipina-Ecuadorian na ngayo’y Canadian citizen, ay patuloy na naghahatid karangalan. Kapapanalo pa lang niya nung Lunes ng kanyang ikalawang titulo sa Monterrey, Mexico sa liga ng Womens Tennis Association.
Panalo ang bawat Pilipino kapag lalo nating paigtingin ang partisipasyon ng kababaihan sa lahat ng larangan ng lipunan.