Naniniwala ako na ang Pilipinas ay dapat na maging “neutral” pagdating sa isyu ng Russian-Ukraine crisis. Ang tingin ko kay Russian President Vladimir Putin, may pagka-‘suicidal’.
Tila hindi nagbibiro at kapag tinopak, baka magunaw ang mundo dahil nukleyar ang pinag-uusapan dito. Kapag ang isang suicidal na tao lalo na’t lider, kapag nakanti, walang pakialam sa kahihinatnan.
Obvious naman, wala siyang respeto sa United States gayundin sa European Union. Kaya may banta na itabi ang mga international condemnation at kung sinuman ang makikialam, malilintikan.
Tayo sa Pilipinas, maliit na bansa at pinipitik-pitik lang ng parang kulangot ng China – may isang Ma-tapang na ale na lakas-loob kinukondena ang Russia sa panggigiyera nito sa Ukraine.
Hoy Mama, Nanay, Ale, Madam – easy! Sino ba ang writer mo at ganyan ang pinagsasabi mo? Imbes na “I condemn”, puwede naman sabihing “I appeal”. Sabi nga ng ating gobyerno, ipagdasal ang mga apektado, maging neutral at gawin ang lahat ng diplomatikong pamamaraan para umapela sa kaguluhan.
Tingnan ang lahat nang maayos na paraan, lahat nang magagawa sa pamamagitan ng pag-apela, sa pamamagitan ng diplomasya para huminahon din ang president ng Russia. Mainit na nga, sasabayan mo pa na parang “may magagawa” ka talaga.
Baka po hindi mo masyadong naiintindihan ang sigalot at sitwasyong ito, maghinay-hinay ka po. Huwag masyadong matapang lalo na’t hindi naman bagay.
Relax lang Ma, mag-focus ka muna sa iyong kampanya. Malayo pa ang hahabulin mo, milya-milya ang pagitan. Kaysa naman bomoladas ka sa mga isyung hindi mo nauunawaan ang kahihinatnan ng iyong mga sinasabi.
Pero kung talagang ipipilit mo at talagang “nagma-matapang ka,” mauna ka, sige larga sa Ukraine at saluhin mo ang mga missile!