EDITORYAL - Hawahan sa rally ng mga pulitiko
PINUPUTAKTI ng mga tao ang campaign rally ng mga tumatakbong presidente at bise presidente sa mga probinsiya at maski sa Metro Manila. Hindi magkamayaw sa rami ang mga taong dumalo. Halos magkapalitan na ng mga mukha habang nakatanghod sa stage at pinakikinggan ang nagsasalitang kandidato. Ang iba ay humihiyaw pa at nagpapalakpakan pa lalo na kung sumasayaw o nagti-Tik Tok ang nangangampanyang kandidato. Sumasabog ang tawanan sa campaign sorties.
Hindi lamang sa kampanya ng mga presidential aspirants at mga senador dumadagsa ang mga tao kundi maging sa kampanya man ng mga tumatakbong kongresista, mayor, vice mayor at mga konsehal. Sa pangangampanya sa mga barangay, dumadagsa rin ang mga tao – lalo na kung may ipinamumudmod na grasya ang mga kandidato. Halos magkapalitan din ng mga mukha sa pag-aagawan sa grasyang bigay ng kandidato. Anong physical distancing? Wala nang pagi-pagitan o layu-layo pa sa pagsahod ng grasya. Anong face mask? Wala na ‘yan!
Ang ganitong senaryo ng kaliwa’t kanang pangangampanya ng mga pulitiko ang naghahatid ng pangamba sa health experts. Posibleng dumami muli ang infection sapagkat kinakalimutan o binabalewala na ang health protocol. Ang mga ipinagbabawal ay hindi na sinusunod.
Sabi ng OCTA Research Group, ang mga rally at pangangampanya ay posibleng magbunsod ng panibagong surge ng COVID kung babalewalain ng publiko ang health protocol gaya ng hindi pagsusuot ng face mask, walang physical distancing at hindi naghuhugas ng kamay. Ayon pa sa OCTA kadalasang nagkakaroon ng surge makaraan ang dalawa o tatlong buwan. Posible na mangyari ang surge sa Abril o Mayo.
Hindi mapipigilan ang mga tao na magtipon dahil sa pangangampanya ng mga pulitiko. Imposibleng mapigil ang pagdagsa. Dapat namang magpaalala ang mga pulitiko sa mga tao na sumunod sa health protocol. Pagsabihan ang supporters na mag-ingat para maiwasan ang pagdami ng kaso.
- Latest