Sa buwang ito, ipinagdiriwang ng lungsod ang ika-50 founding anniversary ng University of Makati (UMak). Taong 1972 nang itinatag ang Makati Polytechnic Community College na nag-aalok ng technical at vocational courses. Naging Makati College ito noong 1987, Pamantasan ng Makati noong 1991, at University of Makati noong 2002.
Kinikilala ang UMak ngayon bilang isa sa top-performing schools sa bansa pagdating sa licensure exams sa iba’t ibang larangan.
Bukod sa mataas na passing rate na laging higit sa national average, maraming beses nang nag-topnotcher ang graduates ng UMak sa buong bansa. Sa isinagawang Psychometrician Licensure Exam ngayong Pebrero, 6th placer si Anne Bernadine de Vera. Nag-Top 2 naman si Sarah Angela Castillano sa Radiologic Technologist Licensure Exam noong Disyembre, habang si Mariel Geronca ay nag-Top 10 sa parehong pagsusulit noong Mayo 2021. Sa Nurse Licensure Exam noong Nobyembre, nakuha ni Louise Ereeca Orca ang 9th place.
Ang UMak ang naging kaganapan ng mithiin ng aking ama, si dating Vice President Jojo Binay, na mabigyan ang lahat, kasama ang kabataan mula sa mahihirap na pamilya, ng pagkakataong makapagtapos sa kolehiyo. Katuwang niya sa tagumpay na ito ang yumaong UMak President na si Prof. Tomas Lopez, Jr., na buong husay na itinaguyod ang pamantasan sa loob ng halos 19 taon.
Subalit batid nating may mga kabataang may taglay na natatanging talino at kakayahan, at hindi dapat malimitahan ang oportunidad nilang ganap na malinang ang kanilang potensiyal. Kaya naman pinalawig natin ang college scholarship program ng lungsod noong 2019. Sa bisa ng City Ordinance 2019-A-036, binuksan ang programa sa mga senior high school graduates ng private schools sa Makati. Isinama rin ang private schools na accredited ng Commission on Higher Education (CHED) sa pwedeng pagpilian ng scholars.
Sa ngayon, mayroong 89 college scholars ang Makati sa iba’t ibang paaralan sa bansa. Kabilang dito ang 58 scholars sa state universities na nabigyan ng P20,000-grant bawat school year. Kumukuha sila ng kursong Bachelor of Science o Bachelor of Arts sa iba-ibang larangan sa UP (Diliman, Los Baños, Baguio), PUP, PNU, PLM, RTU at TUP.
Mayroon ding 19 scholars na kumukuha ng kurso sa Engineering, Information Technology, Math at Science sa private schools na DOST-accredited. Naka-enrol sila sa Ateneo de Manila, De La Salle, UST, Mapua, NU, CEU, FEU at TIP, at tumatanggap ng P40,000 bawat school year.
Tatlong scholars naman ang nabigyan ng P80,000-grant bawat school year sa pagkuha ng specialized courses na B.S. in Applied Physics, B.S. in Medical Technology, at B.S. in Physical Therapy sa UST, na sertipikadong Center of Excellence ng CHED.
Sa ilalim ng orihinal na programa, may siyam tayong scholars sa PNU at sa UP Diliman at Los Baños. Libre ang kanilang tuition at nakakatanggap din ng monthly stipend at book allowance.
Patuloy na pinalalawig ang mga programa natin sa edukasyon upang makasabay ang Kabataang Makatizen sa mga pagbabagong dulot ng modernong teknolohiya at siyensiya. Sinisiguro nating may sapat na oportunidad para makapagtapos sila ng pag-aaral nang sila ay magtagumpay at maging kabahagi sa pagpapaunlad ng ating bansa.