Kapag saksi tayo sa patayan pero nagsabing wala tayong pakialam, kuwenta kinakampihan natin ang pumatay. Kapag alam natin ang pagnakaw pero kibit-balikat lang tayo, kuwenta panig tayo sa magnanakaw. Kapag batid natin na kabulaanan ang binubulalas ng troll farm pero nagtahimik lang tayo, kuwenta pabor tayo sa nagbubulaan. Wala tayong pinagkaiba sa mga Hudyo sa kuwentong Bibliya na pinili palayain si pusakal na Barabas imbis na si inosenteng Hesukristo.
Mahalagang tandaan ‘yan sa pagpili natin ng mga ihahalal sa Mayo 9, ani Catholic Archbishop Socrates Villegas. Moralidad ang gamitin nating pamantayan sa pagboto — huwag kasikatan o hitsura ng kandidato. At lalong huwag ang pera na iniabot ng tagakampanya niya.
Moralidad ang simpleng pagpasya natin sa tama at mali. Nasa konsensiya natin ‘yan. Itinuro ng mapagmahal nating magulang. At patuloy na ibinubulong sa atin ng Maykapal. Sinusunod natin ito maski walang nakatingin, maski nag-iisa tayo sa voting precinct.
Karamihan sa atin ay nakapili na ng ibobotong presidente; 3% lang ang hindi, ayon sa surveys. Nagkukuli pa tayo sa isip kung sino ang bise presidente, mga senador, ang kongresista, gobernador, mayor, mga bise, provincial board members, konsehales at partylist.
Repasuhin natin ang pang-presidente o bise presidente. Malinis ba ang record niya? May kakayahan ba? O puro lang ambisyon? O kaya’y balak lang magnakaw at magpakalango sa poder? At ‘yong mga tao sa paligid nila, balak lang bang samantalahin sila o magpapuwesto at magnakaw?
Hindi kailangan 12 senador ang ihalal. Pumili lang tayo ng alam nating matino, maka-Diyos at makabayan.
Sa kongresista at partylist, huwag ‘yong nagpapanatili ng political dynasty. Suriin kung propagandistang tuta lang sila ng China.
Direkta ang epekto ng local officials sa buhay natin. Piliin natin ang magpapaunlad, magpapaayos, magpapalinis ng komunidad.