Gusto mo ba ng flawless skin kahit na may pandemiya?
Ang pagsusuot ng face mask ay magiging bahagi na ng ating mga buhay sa “new normal.” Kahit na ang Omicron ay hindi kasing-tapang kumpara sa mga nakaraang uri ng COVID-19, kailangan pa rin nating protektahan ang ating sarili para hindi mahawa. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang pagsusuot ng face mask ay isang mahalagang panlaban para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Malungkot mang isipin pero magtatagal pa bago tayo makabalik sa mundong walang nagsusuot ng face mask.
Sa aming Pamilya Talk episode na Okay, Doc, kasama namin ang medical director ng Montesa Medical Group Inc. na si Dra. Anna Marie Montesa. Hiningian namin siya ng mga payo kung paano pangangalagaan ang ating balat ngayong pandemya. Ang pagsusuot ng face mask ay maaaring makatutulong sa ating kaligtasan, ngunit ito ay nagdudulot din ng mga pagbabago sa ating balat. Mas matagal na naka-face mask, mas ma-iirita ang ating balat. Ang dermatitis sanhi ng mask at acne o "maskne" ay ilan sa mga problema sa balat na nararanasan ng karamihan. Bata man o matanda, ang mga problema sa balat na ito ay malamang na hindi maiiwasan dahil sa dalas at tagal ng pagsusuot ng mga face mask. Kaya nababarahan ang ating pores na humahantong sa pimple breakouts. Narito ang ilang tips mula kay Dra. Anna na maaaring makatulong para maging flawless pa rin ang ating mga balat:
- Siguruhing malambot na tela ang gagamiting face mask, o kaya’y maglagay ng malambot na tissue sa loob ng mask para ito ang madalas mong palitan.
- Gumamit ng mild acne toner o antibacterial toner sa buong mukha pagkatapos gumamit ng mild din na facial wash.
- Gamutin ang mga tagyawat gamit ang acne cream dalawang beses sa isang araw.
- Iwasan ang mga produktong comedogenic o yung mga produktong bumabara sa pores ng balat.
- Itapon na ang face mask na ilang ulit mo nang ginamit dahil maaaring puno na ito ng bakterya. Regular ding labhan ang cloth mask.
- Hugasan ang ibabang bahagi ng iyong mukha o ang bahaging natatakpan ng iyong face mask gamit ang banayad na sabon at patuyuin ito bago magsuot ulit ng facemask.
- Huwag mag-make-up sa bahaging natatakpan ng iyong mask dahil maaaring makapagpalala ito ng breakout at makabara sa iyong pores.
- Bigyan ng pagkakataon ang iyong balat na huminga.
Alamin ang uri ng iyong balat
Kahit na halos lahat ng oras ngayong pandemya ay nasa bahay lang tayo, hindi natin puwedeng pabayaan ang pag-aalaga sa ating kutis. Ngunit bago tayo bumili at gumamit ng mga produkto para sa ating balat, manaliksik o mag-research at kumunsulta muna sa ating dermatologist.
Suwerte ako at nabiyayaan ako ng magandang kutis na namana ko sa aking mga magulang. Hindi ako nagkaroon ng mga problema sa tagyawat habang ako ay lumalaki. Ayon sa WebMD.com, ang acne ay karaniwang nagsisimula sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata sa edad na 10 at 13, at mas malala sa mga taong may oily na balat.
"Bago tayo bumili ng skincare products, dapat muna nating malaman kung anong uri ng balat ang mayroon tayo," paalala ni Dra. Anna. Mainam ding malaman kung ano ang iyong #skingoals —ang hindi pagkakaroon ng fine lines, pagbabago ng kulay ng balat, maagang pagtanda, atbp. Narito ang listahan ng iba't ibang uri ng balat, pati na rin ang ilang payo sa pangangalaga nito.
Normal skin
Kung hindi oily o nanunuyo ang iyong balat, ibig sabihin ay pareho tayong normal ang skin type. Ang isang normal na balat ay hindi gaanong sensitibo at halos hindi nakikita ang pores. Ang aking routine ay ang paggamit sa aking mukha ng mild facial wash, paglalagay ng moisturizer, at pati na rin ng sunblock kapag lalabas ako ng bahay.
Oily skin
Pakiramdam mo ba’y mistulang nagmamantika na ang iyong mukha, at madalas na makintab? Malamang ay may oily na balat. "Karaniwan, ang mga taong may oily na balat ay madaling kapitan ng mga blackheads at whiteheads, na nagreresulta sa acne. Malalaki rin ang kanilang pores," sabi ni Dra. Anna. Mainam na gumamit ng antibacterial toner sa mukha pagkatapos itong hilamusan ng mild soap. "Kung hindi ka allergic, maaari kang gumamit ng gels, patch, at cleansers na may benzoyl peroxide at AHA (alpha hydroxy acid). Puwede ring gamutin ang iyong mga tagyawat ng antibacterial ointment."
Combination skin
Kung ang iyong T-zone ay makintab ngunit ang natitirang bahagi ng iyong mukha ay matte, mayroon kang combination skin. Ang pagkakaroon ng combi skin ay medyo mahirap dahil ayon sa isang artikulo mula sa healthline.com, mahirap gumawa ng moisturizer na akma sa ganitong uri ng balat -- may bahaging tuyo at may bahaging oily. Ang maaaring gawin ay pagpalit-palitin ang mga produkto na iyong ginagamit para sa umaga o sa gabi. Payo rin ng healthline.com, gumamit rin ng balancing toner para maiwasan ang pagkakaroon ng breakouts.
Dry skin
Kabaligtaran naman ang pagkakaroon ng oily skin. Ang pagkakaroon ng tuyong balat ay nangangahulugang kulang ito ng sebum kaya madali kang magka-wrinkles.
"Kadalasan ang mga taong may tuyong balat ay madaling mangati o mamula ang balat," paliwanag ni Dra. Anna. Gumamit lamang ng banayad na sabon upang hugasan ang iyong mukha, pati na rin ang isang toner na walang alkohol. "Upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga wrinkles sa murang edad, dapat mong simulan ang paggamit ng moisturizer. Pero siguraduhing hindi ito makapal para hindi ito makabara sa iyong mga pores na maaaring magdulot ng mga mantsa at pimples."
Sensitive skin
Kung ang iyong balat ay nangangati, namumula, o namamaga, nangangahulugan itong ikaw ay may sensitibong balat.
"Gumamit ng hypoallergenic na mga produkto o yung mga walang kemikal. Ang mga moisturizer na may ceramides ay maaari ring gamitin dalawang beses sa isang araw pagkatapos hugasan ang iyong mukha,” payo pa ni Dra. Anna.
Siyempre, pinakamaganda pa ring bisitahin ang iyong dermatologist upang mabigyan ka ng mas akmang mga payo sa pangangalaga ng iyong balat. Puwede ring pumunta sa Montesa Medical Group Inc. sa Tomas Morato o Ayala Mall Circuit Makati, o tumawag (09176299671) para mag-iskedyul ng konsultasyon.
May pandemya man o wala, regular na maghilamos upang mapanatiling malinis ang mukha. Magmoisturize din upang mapanatili naman ang lambot nito. Isa ring dapat nating tandaan at ilagay sa atin skincare regimen ay ang paggamit ng sunscreen tuwing lalabas ng bahay.
“Gamitin pa rin ang sunblock o sunscreen kahit maulap dahil naroroon pa rin ang UV rays,” paalala ni Dra. Anna. Kumain din nang mabuti dahil nakatutulong ang balanced diet sa pagpapanatili ng magandang balat.
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:15-5:00 p.m. Monday and Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest