EDITORYAL - Masamang dulot ng e-sabong
Noong nakaraang Abril 2021 lang nag-operate ang e-sabong na may pahintulot ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Sa kasalukuyan, pitong kompanya ang binigyan ng lisensiya ng Pagcor para makapag-operate.
Nag-hit ang e-sabong makaraang ipagbawal ang aktuwal na sabong sa mga sabungan at pati mga tupada dahil sa pandemya. Isa ang mga sabungan sa super spreader ng virus. Napag-alaman na ang mga sabungan ang karaniwang pinanggagalingan ng virus. Mula sa sabungan, dadalhin ng sabungero ang virus sa kanyang bahay at infected na ang kanyang buong pamilya.
Sa e-sabong, puwede nang mapanood sa cell phones at iba pang gadgets. Online ang tayaan. Dahil online, maraming nakakapanood at pati mga menor-de-edad puwedeng ma-access. Ang resulta, maraming nalululong o naaadik sa sugal na ito online. Ang iba dahil sa pagkahumaling, natatalo nang malaki. Ubos ang pera. Dahil gustong makabawi, makakaisip magnakaw.
Halimbawa rito ang isang pulis mula sa Gloria, Oriental Mindoro na natalo ng milyong piso sa e-sabong. Dahil gustong makabawi, naisipang magnakaw ng pulis at pinuntirya ang isang hardware store. Pero natiklo siya at ngayo’y kinasuhan na. Nakilala ang pulis na si Cpl. Leonell Maranan.
Pati mga OFW ay nahuhumaling din sa e-sabong at walang naiuuwing pera sa pamilya. Dahil sa laki ng utang, ang separation pay ay pambayad lamang sa pinagkautangan dahil sa pagkaadik sa e-sabong.
Pero ang pinakamasama, maraming nawalang sabungero na ngayon ay hindi pa nakikita. Ayon sa report, 30 sabungero ang nawawala mula pa noong Disyembre 2021. Ang ugat ng pagkawala ay dahil sa e-sabong. Sangkot umano sa “game fixing” ang mga nawalang sabungeros. Ayon kay Sen. Bato dela Rosa, posibleng sangkot ang mga pulis sa pagkawala ng mga sabungeros. Nagpatawag ng Senate inquiry si Dela Rosa dahil sa pagkawala ng mga sabungeros.
Tamang hakbang ang ginawang pagsuspende sa e-sabong. Marami pang sisirain ang sugal na ito kung hindi ipatitigil. Siguruhin lamang na maipatutupad ang kautusan ng presidente. Nararapat namang kumilos ang Philippine National Police para matagpuan ang mga nawawalang sabungeros.
- Latest