EDITORYAL - Suspendihin, excise tax sa petroleum products

Umabot na sa $100 ang bawat bariles ng langis dahil sa invasion ng Russia sa Ukraine. At ayon sa report posibleng magtuluy-tuloy pa ang pagtaas ng langis dahil sa ginawa ng Russia sa Ukraine. Sa Martes, nakaamba na naman ang pagtataas ng mga produktong petrolyo. Ito na ang ikasiyam na sunud-sunod na linggong oil price hike. At ni gaputok, walang naririnig sa Department of Energy (DOE) kung mayroon silang ginagawang paraan para mabawasan ang impact ng oil price hike sa mamamayan.

Mahihirap ang laging tinatamaan ng pagtataas ng gasolina, diesel at kerosene. At sa kabila na $100 na ang bawat bariles ng langis, walang balak suspendihin ang excise tax sa petrolyo. Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law) puwedeng isuspende ang tax sa petroleum products kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis. Sobra-sobra na ang presyo ng langis kaya dapat nang suspendihin ang tax. Pero sabi ng Department of Finance, hindi raw nararapat gawin ang pagsuspende sa tax sa petrolyo.

Ang linggu-linggong oil price hike ay sumabay pa sa pagtataas ng mga pangunahing bilihin. Nagtaas ng presyo ang tinapay, noodles, sardinas, gatas, karne at iba pa. At ang panibagong pahirap, humihirit ang transport groups na taas sa pasahe. Humihiling na itaas sa P10 ang minimum na pasahe sa dyipni. Ito ay dahil sa sunud-sunod na oil price hike.

Sabi ng Pasang Masda, ang karagdagang P1 sa pamasahe sa dyipni ay makatutulong kahit paano sa pamumuhay ng jeepney drivers. Wala na umanong naiuuwi sa kanilang pamilya ang mga drayber.

Nangyari ang pagtataas ng mga bilihin at pati pamasahe sa panahong ang mamamayan ay “nalumpo” sa pandemya. Maraming nagkasakit ng COVID na hanggang ngayon ay nararamdaman pa ang hapdi at hindi pa nakakabawi ng lakas. Marami ang namatayan at hindi pa nila nalilimutan ang ma-tinding karanasan. At ngayon, panibagong pahirap na naman ang kanilang hinaharap dahil sa pagtaas ng mga bilihin dulot ng oil price hike. Sundin ang hinaing ng taumbayan na suspendihin muna ang excise tax sapagkat ito ang tanging paraan.

Show comments