Proteksyon laban sa COVID-19 ng senior citizens
Nababahala ang World Health Organization (WHO) sa mababang bilang ng senior citizens sa Pilipinas na nabigyan na ng COVID-19 vaccine. Kaya hinihikayat nila ang local government units (LGUs) na mas maging agresibo pa sa kanilang mga aktibidad sa pagbabakuna upang maabot ang senior citizens na higit na nangangailangan nito.
Sa Laging Handa briefing noong Pebrero 11, sinabi ni Dr. Rajendra Yadav, WHO Acting Country Representative, na dapat nang bakunahan ng gobyerno ang 2.5 milyong senior citizen na hindi pa rin nababakunahan, lalo na sa mga lalawigan ng Cebu, Negros Occidental, Batangas, Laguna, at Bulacan kung saan malaking bilang pa rin ng mga matatanda ang wala pang COVID-19 vaccine. Binigyang-diin din niyang mas malaki ang peligrong dala ng COVID-19 sa mga nakatatanda dahil maaaring mauwi ito sa pagpapaospital at maging sa kamatayan.
Nauna nang pinaalalahanan ng WHO Philippines noong 2021 ang mga LGU tungkol sa isyung ito lalu na’t batay sa datos, 25% lang ng mahigit walong milyong matatanda ang bakunado (July 2021).
CAPTION: Bumababa sa 94% na tsansang magka-COVID-19 related treatment sa ospital ang mga bakunadong edad 65 pataas.
Minsan, ayaw ng mga kapamilyang pabakunahan ang mga kaanak nilang senior citizens sa paniniwalang maaari lamang itong magdulot ng higit na sakit kaysa proteksyon. Marami sa senior citizens mismo ay may ganitong paniniwala.
Kaya sabi ng infectious disease specialist na si Dr. Remedios Coronel sa aming panayam sa programang ‘Pamilya Talk,’ "Ang mga bata o nakababatang henerasyon ang dapat na naghihikayat sa ating mga nakatatanda na magpabakuna.”
Ngayong pandemya, naging laganap ang ageism o ang diskriminasyon dahil sa edad ng isang tao. Ang pagpapawalang-halaga sa mga matatanda at ang hindi pagpapahalaga sa kanila dahil bilang na ang kanilang mga araw ay maling pananaw. Ang mga senior citizen ay dapat bigyan ng pantay-pantay na pagtrato. Mas dapat pa ngang bigyan sila ng prayoridad sa pagkuha ng COVID vaccine dahil sila ay mas madaling kapitan ng sakit.
Ilan ito sa mga dahilan kung bakit kakaunti pa rin ang bilang ng mga nakatatandang nababakunahan sa Pilipinas. Kaya naman isinusulong ng gobyerno ang house-to-house vaccination para hindi na mahirapan ang mga senior citizen na pumila at pumunta sa vaccination sites.
Kung ikukumpara ang ating sitwasyon ilang taon na ang nakararaan nang sumiklab ang pandemya, mas nakakagalaw na tayo nang mas maayos ngayon. Nakikita natin na ang mga kalye ay matao nang muli, ang mga negosyo ay nagsisimula nang magbukas at umandar, at ang mga paglalakbay, na may tamang dokumentasyon, ay pinapayagan na. Ngunit dapat pa rin tayong maging maingat dahil ang COVID-19, partikular ang Omicron, ay nasa ating paligid pa rin at nagbabanta sa ating kalusugan, lalo na sa ating mga nakatatanda. Maaaring malagay natin sa panganib na mahawa sa Omicron ang ating mga hindi pa nabakunahang senior citizens. Kahit na ang Omicron ay medyo banayad ang mga sintomas kumpara sa mga naunang variant, kailangan pa rin nating isaalang-alang na mahina na ang immunity ng mga taong 65 taong gulang pataas. Samakatuwid, mas madali silang kapitan ng virus.
Suwerte akong masipag magpabakuna ang aking mga magulang – maging bakuna laban sa flu at ordinaryong pulmonya, kumpleto sila. Masipag din silang magtanong sa LGU kung ano pa ang mga benepisyo ng mga ito para sa mga matatanda nilang constituents. Pero paalala ni Dr. Coronel, bukod sa bakuna, mahalaga din ang pagkakaroon ng masayang disposisyon para manatiling malusog.
Sa ngayon, marami pa ring walang katiyakan. Manatili tayong mapagbantay at huwag maging kampante. Tayo ay magpabakuna, hindi lamang para protektahan ang iyong sarili kundi para protektahan din ang mga tao sa iyong paligid, lalo na ang mga nakatatanda. Kung nahihirapan silang magpasya kung dapat silang magpabakuna o hindi para sa COVID-19, maglaan ng oras upang ipaliwanag kung gaano ito kahalaga para sa kanilang kalusugan at ipakita sa kanila ang mga pag-aaral ukol dito.
Ang ating ina, ama, at mga lolo't lola ay ang mga nag-aalaga sa atin habang tayo ay tumatanda. Ngayon, tayo naman ang mag-alaga at mag-asikaso sa kanila.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa COVID-vaccine, maaari mong tawagan ang mga numerong ito:
- Department of Health: 02 894-COVID or 02 894-26843
- For PLDT, SMART, SUN and TnT Subscriber: 1555
- Telimed Management Inc. and Medgate Hotline: 02 8 424-1724
- Global TeleHealth Inc. (KonsultaMD): 02 7 798 8000
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:15-5:00 p.m. Monday and Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest