MANILA, Philippines — Mistulang cancer na ang gambling culture sa bansa. Nagbubunga na ito ng mga nakapanghihilakbot na krimen gaya nang pagkawala ng 30 sabungero na may kinalaman sa e-sabong.
Sinisiyasat na ng Senate Committee on Peace and Order and Illegal Drugs sa pangunguna ni Sen. Bato dela Rosa ang misteryosong pagkawala ng mga cock handlers, mga ahente at iba pang nagtatrabaho sa mga sabungan sa National Capital Region at iba pang lugar.
Sobrang tagal na mula ng mawala ang mga naturang sabungero noong 2021. Ito’y napansin lamang ng publiko dahil sa sunud-sunod na kidnapping incidents sa pagpasok ng bagong taon. Bakit ba hanggang ngayon ay wala pang resulta ang ginagawang imbestigasyon ng PNP at NBI? Patuloy pa ang kanilang pagkalap ng mga ebidensiya Dismayado ang mga mahal sa buhay ng mga nawawala.
Kaya tumpak si Senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano nang tutulan niya ang pagbibigay ng prangkisa ng kongreso sa mga e-sabong firms. Ani Cayetano isang malawakang pandemya ang e-sabong para sa ating mga kababayan dahil walang malinaw na regulasyon tungkol dito at kahit mga menor-de-edad ay lulong na sa bisyong ito ng pagsusugal.
Ayon naman kay Senator Bato, banta sa seguridad ng bansa ang e-sabong dahil napakarami ng krimen ang nangyayari na may kaugnayan dito. Ilan na nga ba ang nagpakamatay dahil nalubog sa utang sa pagtaya sa sabong? Ilang estudyante na ang nasira ang buhay dahil naging adik sa e-sabong?
Kahit maliliit na magsasaka at mangingisda ay napipilitan nang magbenta ng kanilang lupain at mga ari-arian para makataya sa sabong na tinatawag ding talpakan. At ilang mga OFWs na ang nalimas ang naipong pera sa pagkayod sa ibang bansa dahil sa pagkalulong sa bisyong ito?
Aba eh, hindi na mabilang ang mga pulis na nagholdap at nagnakaw dahil sa pagkalulong sa e-sabong. Isa na rito si Patrolman Glenn Angoluan na nangholdap ng gasolinahan sa Batangas dahil milyones ang utang sa e-sabong.