EDITORYAL - Walang silbi ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act

MULA nang lagdaan noong Mayo 2013 ang Re­public Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act” marami nang malagim na aksidente sa kalsada ang naganap na ang dahilan ay ang pagma­maneho nang lasing sa alak o kaya bangag sa ipinagbabawal na droga. Sa katunayan nang araw na lagdaan ang batas na ito ng yumaong Presidente Noynoy Aquino noong 2013, binangga ng isang sports utility vehicle (SUV) ang sinasakyang motorsiklo ng mag-asawa. Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang babae na ikinamatay nito. Malubha namang nasugatan ang lalaki. Ayon sa mga pulis, lasing ang driver ng SUV nang maganap ang pagbangga. Nagtangkang tumakas ang lalaki pero nahuli rin. Hindi na nalaman kung nakulong ang lalaki sa nagawa nitong kasalanan.

Noong nakaraang Biyernes, tatlong tauhan ng Philippine Air Force ang namatay nang bumangga ang kanilang sinasakyang kotse sa concrete barriers­ sa EDSA, Cubao, malapit sa P. Tuazon tunnel. Sa lakas ng pagbangga, nagpaikut-ikot ang kotse at saka nag­liyab. Hindi na nakalabas ang tatlong PAF officers. Ang driver ng kotse na isa ring miyembro ng PAF ay nakaligtas.

Inamin ng drayber na nakainom silang apat dahil nagdiwang sila ng ikalimang taon sa serbisyo sa PAF at pabalik na sa Villamor Airbase nang mangyari ang malagim na aksidente. Nahaharap ang dray­ber sa multiple homicide through reckless imprudence at drunk driving.

Sa ilalim RA 10586, ang sinumang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at pinagbabawal na droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Bibigat naman ang parusa kapag mayroong napinsala at namatay. Magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 kapag may napinsala at namatay kapag napatunayang nagmaneho nang lasing o kaya’y lango sa droga. May katapat din itong mahabang pagkakakulong.

Ang tanong ay kung naipatutupad ba ang batas na ito. Siyam na taon na mula nang ito ay isabatas subalit karamihan nang mga nangyayaring aksidente sa kalsada ay dahil sa pagmamaneho nang lasing at pagkalango sa droga. Mayroon bang sapat na equipment ang traffic enforcers para ma-detect kung lasing o bangag ang drayber. O sinusuhulan na lang ang traffic enforcers para makalusot. Walang silbi ang batas na ito kung ganito ang kalakaran.

Show comments