DAPAT tutukan ni Philippine National Police chief Gen. Deonardo Carlos ng pagkawala ng 30 sabungero upang mawala ang hinala ng sambayanan na may mga kasangkot na mga pulis sa pagdukot ng mga ito. Maging si dating PNP chief at ngayon ay senador Ronald “Bato” dela Rosa ay may hinalang may mga matataas na opisyal sa pamahalaan at pulisya ang nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero. Dahil dito nais ni Bato na ipatigil muna ang aktuwal na sabong at online sabong sa buong bansa.
Naghihinala ang kamag-anakan ng mga nawawalang sabungero sa ikinikilos ng PNP dahil hanggang ngayon, wala pang natutukoy na mga kriminal. Puro imbestigasyon na lamang ang naibabalita ng PNP sa kabila ng kanilang pahayag na may mga persons of interest na silang sinusubaybayan. Mahigit isang buwan nang nawawala ang mga sabungero na dinukot sa mga sabungan sa Maynila, Rizal at Laguna. Ayon sa PNP, may CCTV footages na silang hawak na magiging lead sa kanilang imbestigasyon.
Kamakailan, napabalita sa radio na mahigit 300 sabungero ang nawawala, kabilang na ang insidente sa Resort World. Ayon naman sa PNP, 30 lamang ang nawawalang sabungero kaya nananawagan sila sa kamag-anak ng mga ito na magtungo sa kanilang tanggapan sa Camp Crame upang magreklamo.
* * *
Samantala, maraming nagnanais na mailuklok si dating PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa senado para magkaroon ng matapang at masipag na senador na babangga sa mga nagha-hari-harian sa lipunan. Naging epektibo ang “E-Sumbong Mo, Aksyon Ko’’ ni Eleazar noong siya pa ang hepe ng PNP kaya napalapit siya sa taumbayan. Kaya pinaiigting pa ni Eleazar ang mga aktibidad para makadaupang-palad ang mas maraming Pilipino at maipresenta ang kanyang plataporma matapos tumaas ang kanyang ranking sa mga survey.
Si Eleazar ang nag-iisang kandidato sa senado mula sa Calabarzon. Binisita ni Eleazar ang mga lungsod ng Batangas, Lipa at Tanauan, at iba pang bayan sa Batangas sa dalawang-araw na motorcade at mainit namang tinanggap ng mga residente. Nagsagawa rin si Eleazar ng courtesy calls sa mga local chief executive, at nangako ang mga ito na susuportahan ang kanyang laban sa Senado. Mula sa 22-24 na ranking sa December 2021 surveys ng Pulse Asia at SWS, umakyat si Eleazar sa ranking na 17-19 sa survey noong Enero. Sa mga kumakandidatong senador na nasa «Top 20,» si Eleazar ang nagtamo ng pinakamalaking pag-abante na walong puntos. Sabi ni Eleazar, «Naniniwala ako lalo pang mag-i-improve ang aking sa sipag sa pangangampanya upang makilala pa nang husto ng ating mga kababayan at malaman nila ang aking plano para ipaglaban ang araw-araw na laban sa buhay ng ating mga kababayan.’’