^

PSN Opinyon

Kaligtasan ng mga bata online

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Kaligtasan ng mga bata online
Stock image of a child with mobile phone.
Pixabay/ongchinonn

Isa sa mga una kong ginawa bilang program director ng ABS-CBN Bantay Bata 163 ay ang bisitahin ang ilang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga batang ni-rescue nila mula sa pang-aabuso, kabilang na ang mga biktima ng online sexual abuse at exploitation. Nakausap ko ang ilan sa mga batang ito at hinding-hindi ko makalilimutan ang mga kuwento ng magkapatid na sina “Anna” at “Rosa” (hindi nila tunay na pangalan) mula sa Taguig, isa sa mga natukoy ng mga otoridad na hot spot para sa online child sexual exploitation. Nailigtas ang magkapatid mula sa kanilang pamilya na siyang nambubugaw sa kanila kapalit ng pera. Ngunit hindi naman daw sila galit sa kanilang mga magulang dahil para sa kanila, walang masamang ginawa ang mga ito.   Paliwanag ng mga dalagita, ang kanilang mga hubad na larawan at video ay "ipinakita lang naman online" at "ang mga kliyente ay pinanood lang ang mga materyales na ito (sa pamamagitan ng webcam) at hindi sila pisikal na hinawakan."  Ito rin kasi ang sinasabi sa kanila ng kanilang mga magulang, ang konsepto ng "no touch, no harm." Kaya nagalit pa nga raw sina “Anna” at “Rosa” sa mga pulis dahil hinuli at kinulong ang kanilang mga magulang.

Isinalaysay din ng ilan pang mga teenager na nasagip at dinala sa DSWD facility na hindi sila pinilit ng sinuman na ilantad ang kanilang sarili para sa pera. Boluntaryo nila raw itong ginawa.  Ito raw kasi ang pinakamadaling paraan upang magkaroon sila ng perang pang-shopping, pampasyal, panlibre sa mga kabarkada, pambili ng mas magagandang gamit tulad ng mga mobile phone, pambayad sa kanilang matrikula at pantulong sa mga gastusin ng pamilya.

Ngunit ang talagang bumagabag sa akin ay ang pagkawala ng kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanilang mga sarili. Sa halip na igalang ang kanilang mga katawan, sinimulan nilang tingnan ang kanilang mga sarili bilang mga bagay na ibinebenta na lamang.

Pagtaas ng mga kaso ng online child sexual exploitation sa panahon ng pandemya

Sa webinar na inorganisa ng Globe Telecom tungkol sa Online Sexual Abuse and Exploitation on Children (OSAEC), ibinahagi ng kinatawan ng DSWD na si Emelita Bolivar na kailangan ng mahaba-habang panahon para mabago ang mga maling pananaw at values na itinuro ng mga magulang sa mga nailigtas nilang mga bata. Sabi niya, “Hindi nila naiintindihan sa ngayon yung implikasyon nito sa buhay nila at sa kinabukasan nila... ang therapeutic activity na ginagawa namin sa kanila ay ... unlearning the distorted values that they learned like about sex, relationships… and learning new values… so mahabang panahon ang kailangan. Normally mayroon kaming time-bound case management na 6 months pero hindi yun sapat para maturuan mo yung mga batang magkaroon ng mas magandang pagtingin sa kanilang mga sarili… it really takes time.”

Tulad ng kinumpirma ng UNICEF Child Protection Officer na si RA Villafranca, ang mga magulang at miyembro ng pamilya ang kadalasang bumibiktima sa mga bata – may mga sanggol pa lamang hanggang sa mga edad na 17 taong gulang.  Idinagdag niyang ang kulturang Pinoy at mga nakaugalian na natin ang ilan sa mga dahilan kaya mahirap sugpuin ang OSAEC. Kasama na rito ang paniniwalang dapat ituring ang ganitong mga bagay bilang mga pribadong isyung-pampamilya. “May prevailing cultural norms na, ‘My child, my property, so it’s none of your business because this is my child.’”  

Binigyang-diin ng webinar ng Safer Internet Day ng Globe Telecom kung paano maaaring magtulungan ang lahat sa komunidad para matiyak ang kaligtasan ng mga bata online. (Top row, L-R: RA Villafranca ng UNICEF Philippines, Atty Irish Salandanan-Almeida ng Globe. 2nd Row, L-R: Atty. Tim Abejo ng Citizen Watch, Prof. Louie Montemar ng Bantay Konsyumer, Kuryente, at Kalsada (BK3).

Kaya't hindi nakagugulat na makitang ang mga kaso ng OSAEC ay tumaas nang husto sa panahon ng pandemya, lalo na’t ang mga pamilya ay nanatili sa bahay nang 24/7 at ang lahat ay nakatutok sa internet.  Ayon sa ulat ng Department of Justice, sa unang tatlong buwan pagkatapos ng ECQ noong Marso 2020, tumaas ng 265% o 202,605 na kaso ang OSAEC.

Mga dahilan sa paglala ng OSAEC

Ipinaliwanag ni RA na ang OSAEC ay anumang pananamantala sa sinumang bata na may koneksyon sa online o digital platform. “The specific niche of OSAEC is its connection to the digital or online platform … it doesn’t necessarily involve physical contact with the child. Halimbawa, kung ang isang bata ay naghubad ng kanyang mga damit at ini-live stream o nai-dokumento ito sa pamamagitan ng video o larawan at ibinahagi yun online, itinuturing pa rin iyong OSAEC kahit na walang sexual contact," pagbabahagi ni RA.

Ang mga panelist sa webinar ay nagkakaisa sa pagsasabing ang kahirapan ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit talamak ang OSAEC. Ipinagagawa ng mga magulang o kamag-anak ang mga bata ng mga sekswal na bagay kapalit ang pera.  Tulad nga ng kasabihang, “Ang nagigipit, sa patalim kumakapit.” 

Nakalulungkot man aminin pero batay sa datos, ang Pilipinas ang  isa sa mga pinakamalaking pinagmumulan ng child pornography at online child sexual exploitation sa mundo. Ang Pilipinas ay tina-target dahil magaling tayong mag-Ingles, kaya madali rin ang pakikipag-ugnayan ng mga banyaga sa atin at sa kabataan.

Malaking bahagi rin ng ating populasyon ang gumagamit ng internet kaya ang panonood ng mga video at pagtingin sa mga larawan online ay napakadali, pati na rin ang paggawa at pag-upload ng mga ito.

Ang kawalan ng pagtutok sa mga bata pagdating sa paggamit ng internet ay isa rin sa mga rason kung bakit madali silang maloko online.   Dahil nagta-trabaho ang mga magulang, binabantayan ng mga yaya, lolo, lola, ate o kuya ang mga bata na naiiwan sa bahay, at maaaring kulang ang mga ito ng kakayahan para ma-monitor nang maayos ang paggamit ng mga bata ng internet.

Ang papel ng mga magulang sa kaligtasan ng mga bata

Ang OSAEC ay isang seryoso at masalimuot na isyu na nangangailangan ng tulong ng lahat ng sektor.  Naniniwala ang mga child advocate na tulad ko sa kasabihang, “just as it takes a village to raise a child, it also takes a village to protect them.”  Pero naniniwala akong nagsisimula pa rin ang lahat sa tunay na pagmamahal ng kanilang mga magulang. Kung talagang mahal natin ang ating mga anak at gusto natin silang panatiliing ligtas, kailangan nating pasukin ang kanilang mundo, kabilang na ang kanilang digital world, para mas maintindihan natin ang mundong kanilang ginagalawan.

  • Paalalahanan silang huwag kailanman ibibigay ang kanilang mga personal na impormasyon tulad ng kanilang pangalan, tirahan, o edad kapag may nagtatanong online.   
     
  • Turuan ang ating mga anak kung paano ang responsableng paggamit ng internet. Maglaan ng oras para kausapin sila tungkol sa mga website, app, at laro na gusto nilang gamitin at i-download.
     
  • Sabihan ang mga anak na ipaalam agad sa iyo kapag may nakikipag-usap sa kanila online na may pagpaparamdam ukol sa sexual na mga bagay. Kausapin sila nang maayos at tiyaking hindi sila matatakot na magsabi sa iyo nang totoo. 
Sa datos ng Department of Justice, sa unang tatlong buwan pagkatapos ng ECQ noong Marso 2020, tumaas ng 265% o mahigit 202,605 na kaso ng OSAEC.
  • Turuan ang iyong sarili tungkol sa mga privacy setting ng mga gadget, app, at laro na ginagamit ng iyong anak. Limitahan kung ano ang ma-a-access niya. Sa ilang mga mobile application at laro, kailangan mong gumawa ng isang account para makalaro mo sila online. Sabihan ang iyong mga anak na gumawa ng mga account na ito habang magkasama kayo para makita mo kung aling mga detalye ang kanilang ibinibigay. Palaging ipaalala sa kanilang huwag ibigay ang kanilang mga password sa sinuman, kahit na sa kanilang mga pinakamalapit na kaibigan. Dumalo rin sa mga webinar tulad ng “Globe's Gabay Bahay: An Online Parenting Series” para sa iba pang tips kung paano higit pang mapo-protektahan ang iyong anak sa paggamit ng internet.
     
  • Patuloy na magsanay kung paano magkakaroon ng mas maayos na ugnayan at komunikasyon sa iyong anak. Subukang ipaliwanag sa kanila ang konsepto ng sekswal na pananamantala at pang-aabuso sa paraang maayos nilang maunawaan.  Obserbahan ang anumang biglaang pagbabago sa ugali ng iyong anak tulad ng pagtatago nila ng mga sikreto at ng mga ginagawa nila online.
     
  • Kung may alam kang mga menor de edad na biktima ng OSAEC, humingi ng tulong sa mga otoridad. Ayon kay Atty. Tim Abejo ng Citizen Watch, wala pa ring batas na nagpoprotekta sa mga whistleblower. Ngunit tungkulin nating iulat ang ganitong mga pang-aabuso.

Para ilan pang tips kung paano mapananatili ang kaligtasan ng iyong anak online, panoorin ang episode na ito ng Pamilya Talk.

Para i-report ang mga kaso ng online child abuse, tumawag sa:

  • Actionline Against Human Trafficking: 1343 for Metro Manila; (02) 1343 for outside Metro Manila
  • Bantay Bata 163: 163
  • Philippine Red Cross: 143
  • National Emergency Hotline: 911
  • PNP Aleng Pulis:  0919-777-7377
  • UP-PGH COVID-19 Bayanihan Operations Center: 155 200

Lahat ng mga numerong ito at iba pang mga detalye ay makikita sa https://www.saferkidsph.org/help-stop-osaec/#report.

* * *

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 6:00-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected].

CHILD ABUSE

CHILD EXPLOITATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with