EDITORYAL - Pekeng gamut sa mga tindahan

NOONG nakaraang Disyembre 2021, mahaba ang pila ng mga tao sa mga botika para bumili ng gamot sa ubo, sipon, lagnat at sakit ng ulo. Sa biglang pagdagsa ng mga tao, naubos ang mga gamot gaya ng paracetamol at ibuprofen. Nagkaroon ng pagpa-panic sapagkat biglang tumaas ang bilang ng mga nagkaroon ng COVID. Umabot sa mahigit 30,000 ang kaso. Nagbigay ng takot ang Omicron variant sapagkat sabi ng health experts, mas mabilis kumalat kaysa Delta variant na nanalasa noong Agosto 2021.

Ang pagkakagulo ng mga tao sa pagbili ng gamot ang sinamantala ng online sellers. Maraming nag-post na nagbebenta sila ng gamot online. Hindi na kailangang pumila sa drugstores at mas mura pa raw. Pati sa mga sari-sari stores ay nagkaroon na rin ng mga tindang gamot para sa ubo, sipon, sakit ng ulo at lagnat.

Hindi lang mga gamot ang binenta online kundi pati gamot sa COVID at mga test kits. Maraming nadakip dahil sa pagbebenta ng mga pekeng gamot sa COVID at test kits. Pinakamarami naman ang nahuli na nagbebenta ng paracetamol at pati anti-biotic. Kahun-kahon ng mga pekeng gamot ang nakumpiska na lantarang binibenta sa mga gilid-gilid ng kalsada.

Kakatwa naman na ngayon lamang kumilos ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga kumakalat na gamot. Disyembre pa nagkaroon ng mga bentahan ng “gamot” pero ngayon lang kumikilos. Ayon sa FDA, 371 online posts na nagbebenta ng mga gamot ang kanilang inalis dahil sa paglabag sa batas. Bukod sa online posts, 78 tindahan ng gamot ang kanilang pinasara. Ayon sa FDA, mula pa raw 2020 ay sinimulan na nilang alisin ang may 2,202 links sa drug productsa na ibinebenta sa Facebook at online selling platforms Lazada at Shopee.

Ayon din sa FDA, posibleng ang mga tinitindang gamot sa mga maliliit na tindahan o sari-sari stores ay mga peke. Kaya nirerekomenda nila na hindi na makasama ang mga ordinaryong gamot na binebenta sa mga tindahan. Hindi raw kasi nababantayan ang mga gamot na binebenta.

Nagkalat ang mga pekeng gamot ngayon kaya nararapat lamang na huwag nang payagang makapagtinda ng gamot sa sari-sari store. Dapat sa lehitimong botika na lamang.

Show comments