EDITORYAL - Handa na ba talaga sa face-to-face classes?

EXCITED ang Department of  Education (DepEd) sa paghahayag na handang-handa na sila sa face-to-face classes. Sa himig ng pananalita ng mga opisyal ng DepEd, wala nang makakapigil pa sa pagpapatupad ng face-to-face classes sa mga lugar na nasa Alert Level 2 na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Batanes, Southern Leyte at Biliran. Ayon sa DepEd, nasa 6,000 schools na ang kasama sa pagpapatupad ng face-to-face classes. Kapag ibinaba sa Alert Level 1 (pagpapasyahan ngayong araw na ito ng Malacañang) tiyak na marami pa umanong school ang makakasama sa face-to-face classes.

Patuloy ang pagbaba ng arawang kaso ng COVID-19 sa bansa at magandang senyales ito na pa-exit na ang pandemya ngayong taon na ito. Sabi ng OCTA Research Group, sa susunod na buwan ay posibleng 500 kaso na lamang bawat araw ang maitatala. Kahapon, mahigit 3,000 ang naitalang kaso.

Sinira ng pandemya ang sistema ng edukasyon sa bansa. Biglang nag-shift sa online classes mula sa nakagisnang face-to-face. Naging malaking problema sa mga magulang na walang ibibili ng gadgets para sa kanilang mga anak. Sa online classes, mahalaga ang desktop computer,. laptop, tablet, telebisyon, radio at cell phone. Marami ang hindi makasunod dahil sa kakapusan ng pera. Ang ibang estudyante, piniling huwag na munang mag-enrol. Ang ibang nasa liblib na lugar, dinadalhan ng printed modules.

Sa isang pag-aaral, mas marami ang mga estudyante na edad 8 ang hindi makabasa mula nang mag-shift sa online learning. Hindi umano natututo ang mga bata. Kulang din umano sa paggabay ng magulang. Marami sa mga magulang ang nagtatrabaho. Napag-alaman din na maraming estudyante ang nagkokopyahan ng sagot online.

Ang mga ganitong problema marahil ang dahilan kaya maigting ang pagnanais ng DepEd na maituloy na ang face-to-classes. Mas maraming nalalaman o natututuhan ang mga bata sa harap-harapang pag-aaral. Mas madali silang matuto kung nasa classroom at nakikipagtagisan sa kapwa estudyante.

Sa pagbubukas ng F2F, siguruhin lamang ng DepEd na maipapasunod ang health protocol sapagkat narito pa ang virus. Tiyakin din na nabakunahan na ang mga estudyante at guro.

Show comments