Ngayon ngang ibinaba na ang Alert Level sa Metro Manila at malaya na muling pumasok sa trabaho at mamasyal ang mga indibidwal, muli po akong nagpapa-alala na maging maingat pa rin at bigyang konsiderasyon ang ating kapwa. Mayroon pa rin tayong tinatawag na vulnerable sectors, o yung mga maaring makaranas ng mas matinding epekto ng coronavirus sakaling sila ay mahawaan.
Kabilang dito ang mga matatanda, mga may comorbities, at ang mga bata.
Natutuwa akong ibahagi na mayroon nang 2,800 ang ating nabakunahan na mga batang Makatizen na edad 5 hanggang 11 taon. Ang bilang na ito ay nakumpleto sa loob lamang ng limang araw simula nang binuksan ang Bakuna Makati para sa ganitong age group.
May espesyal na vaccination site para sa mga bata sa SM Makati at sa Nemesio I. Yabut Elementary School sa Guadalupe Nuevo. Tinatayang nasa 10,000 bata ang mababakunahan sa Makati, at ang bawat isa sa kanila ay binibigyan natin ng chocolate treat pagkatapos.
Bukod sa pagbabakuna ay patuloy ang pamamahagi ng Pre-K Learner’s Kit na handog ng pamahalaang lungsod para sa mga enrollees ng Pre-K Program.
Itinatag natin ang Pre-Kindergarten (Pre-K) Education Program upang tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga batang nasa apat na taong gulang para sa kanilang nakatakdang pagpasok sa Kindergarten program, na laan sa mga limang taong gulang. Layon din nating maagap na matukoy ang mga batang may espesyal na pangangailangan upang mabigyan ng kaukulang interventions tungo sa maayos na paglaki.
Samantala, nitong nakaraang Huwebes at Biyernes, nakiisa ang Makati sa National Vaccination Day program ng pamahalaang nasyonal. Nakapagbigay tayo ng 9,177 doses ng bakuna kontra-COVID. Sa bilang na ito ay 1,667 ang first dose; 2,148 ang second dose; at 5,362 ang booster shots.
Malayo na ang ating narating sa programa sa bakuna. Marami na rin tayong naitulong sa ating mga sister cities at municipalities na kakaunti pa ang supply vaccines para sa kanilang mga residente. Lubos akong umaasa na hudyat na ito ng pagbabalik sa normal ng ating araw araw na pamumuhay.
Happy Valentine’s Day po sa inyong lahat. Ngayong araw ng mga puso, sana ay bigyan natin ng pagpapahalaga ang kalusugan at kapakanan ng mga tao sa ating paligid. Magmahalan po tayong lahat!