“O, PAG-IBIG na makapangyarihan, kapag ika’y pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Totoo noong 1838 ang pagdiga na ‘yan ni Aladin kay Flerida (“Florante at Laura”, Francisco Balagtas). At totoo pa rin ngayon. Walang pande-pandemya kapag pumasok sa puso ang pag-ibig. Hahamakin miski nakamamatay na coronavirus, magkaniig lang ang magsing-irog.
Asahan na mapuno ang mga motel ngayong araw ng mga nagtatagpong puso. Kahit dalawang oras man lang nang sarilinan ay maipapadama nila ang pagnanais sa isa’t isa. Kung wala nang bakanteng kuwarto ay sa sinehan na lang, o sa kotse, o sa tahimik na sulok sa plaza.
Nagbunsod ang pandemya ng mga “bagong normal” na paraan ng pagtatagpo. Sa Zoom ang magkahiwalay naka-quarantine na partners ay maaring sabay kumain sa kanya-kanyang lugar. Pareho silang naka-dim light at sasabayan pa ng romantikong musika sa Spotify. May audio-video recording feature ang Zoom para sa pagtatagpo.
Puwede rin manood ang partners ng Netflix; may app para sabay ang pag-play ng pelikula. Kapag nasa mood ay maari magtanggal ng saplot at magpakitaan. Kung nag-aalala na baka ma-share ang maselang retrato sa soc-med, may “disappear time” feature sa Viber o Snapchat na otomatiko ito mabubura ilang segundo matapos makita. Ang masaklap ay dinadaan na lang din sa text ang pagbi-break. Masakit kung ni walang text, basta “End of session” lang na anunsiyo ng Zoom.
Naging low-budget ang kasalan ngayong pandemya. Ang nasa seremonya lang ay ang bride at groom, pari, mga magulang, at ninong at ninang. Sa Zoom na lang ang mga kapatid na taga-ibang safety bubble, at lolo at lola na may comorbidities. Wala nang maid of honor; cord, veil at candle sponsors; flower girl, ringbearer, at best man. Maliit lang ang reception: pang-walo o sampung tao, depende sa Alert Level sa lugar. Mababa ang gastos — pero sagana pa rin sa regalo na pina-deliver sa Grab at pakimkim na dineposito sa G-Cash.