HINDI pa “Jomakabilang buhay” si JoMa!
Kamakailan, kumalat ang pekeng balita sa pagyao ni Communist Party leader Jose Maria Sison sa social media. Noong una pa lang ay pinagdudahan ko na ito dahil ang ganyan kalaking balita ay hindi makakatakas sa kaalaman ng mainstream media sa daigdig.
Puntahan mo lang ang website ng mga world news organization at malalaman mo kung tunay ang balita o hindi. Madali nang malaman ang mga fake news ngayon.
Bihira na kasing mapag-usapan si “tanda” kaya siguro gumawa ng sariling tsismis para huwag siyang makalimutan habang nagtatago pa rin siya at nagpapasarap sa Netherlands sa loob ng 30-dekada.
Humango pa siya ng isang quotation mula sa pamosong manunulat na si Marx, eheste Mark Twain: “the news about my death is a bit exaggerated.” Pinagbintangan niya ang Anti-Communist League at ang ELCAC o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na may kagagawan ng nag-viral na tsismis.
Sa totoo lang, “boom panis” na si JoMa. Hindi na siya sinusunod ng mga lokal na komunista na may sarili nang agenda. Bakit pa siya susundin eh kay sarap ng buhay sa Netherland habang ang mga tauhan niya sa bundok ay nakikipagpatayan. Marahil, tititingnan niya ang magiging reaksiyon ng taumbayan kung siya ay mamamatay.
Kaso, ang reaksiyon nung mga naniwala ay puro pangungutya sa kanya. Sabi ng dating kolumnista nating si Jay Sonza “ngayon ay nalaman mo na walang forever” patungkol kay JoMa. Ngunit kung tunay mang nangyari ito, gaano man ang pagkasuklam mo sa lider-komunistang ito, makiramay pa rin tayo sa mga nagmamahal sa kanya, kung mayroon man.