Ngayong nalalapit na ang pambansang halalan, ito ang gagawin kong gabay sa pagpili ng aking ihahalal na Pangulo.
Hindi kailangang “technocrat” ang iboboto natin na may kaalaman sa pagtatayo ng mga imprastruktura, pagpapasigla ng ekonomiya, pagpapabuti ng agrikultura at iba pa. Maraming eksperto o technocrat ang walang leadership skills. Ang mabuting leader ay masusukat sa sumusunod na katangian:
CHARACTER. Sinumang tao na may karakter ay may matalas na pagkilala ng tama at mali. Ginagawa niya lang ang tama at walang impluwensya ang makakapuwersa sa kanya na gumawa ng mali. Kilala niya ang mga taong may kakayahan at integridad na itatalaga sa mga posisyon sa kanyang gabinete.
HEART. Ang leader na may puso ay nakasentro lang sa pagsisilbi sa taumbayan na gusto niyang umagat ang katayuan sa buhay bunsod ng tunay niyang pagmamahal sa kanila.
RIGHTEOUSNESS o pagkamatuwid. Ang leader na matuwid ay hindi magnanakaw o manlalamang sa kapwa. Hindi niya kokondenahin ang taong nagkasala Ngunit ipapataw ang karampatang parusa sa layuning ituwid ang isang nagkamali.
INTEGRITY. Ang tunay na may integridad ay hindi puwedeng siraan ninuman. Maingat siya sa kanyang mga kilos at iniiwasan ang mga gawaing makasisira sa kanyang reputasyon. Walang sinumang makakahikayat sa kanya na gumawa ng katiwalian.
SINCERITY. Ang mabuting leader ay tapat sa layunin niyang magsilbi. Maglilingkod hindi upang iangat ang sarili kundi para sa ikabubuti ng taumbayan na kanyang pinaglilingkuran. Hindi siya magbibigay na espesyal na pabor sa mga kaibigan, pinagkakautangan ng loob o kamag-anak dahil siya ay leader para sa lahat.
TRUTH. Ang tanging panuntunan niya ay katotohanan. Kung may mga usaping hindi malinaw ay sasaliksikin muna ang buong katotohanan bago magpasya dahil batid niya na ang anumang gagawin niya ay nakasalalay ang kapakanan ng mga mamamayan. Tandaan: CHARACTER, HEART, RIGHTEOUSNESS, INTEGRITY at TRUTH na bumubo sa acronym na CHRIST.