^

PSN Opinyon

KODIGO: Pangunahing impormasyon ukol sa COVID- 19 (Part 2)

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
KODIGO: Pangunahing impormasyon ukol sa COVID- 19 (Part 2)

Sa nakalipas na dalawang taon, tuluy-tuloy pa rin ang ating laban sa COVID-19 na talaga namang lumumpo sa buong mundo. Disyembre 2019 nang ito’y inilarawan ng World Health Organization (WHO) bilang isang sakit na dala ng bagong coronavirus na SARS-CoV-2. Ang dumaraming kaso ng “viral pneumonia” sa Wuhan, China ang pangunahing tinukoy ng WHO noon. 

Gaya ng ibang mga sakit, importante ang impormasyon sa pangangalaga sa ating pamilya. Kaya, mga KasamBuhay, naghanda ako ng kodigo ukol sa COVID-19 para magsilbing gabay sa ating lahat.  Sinisiguro kong tama ang mga impormasyong naririto na aking kinalap mula sa aking mga panayam sa health at medical experts, Department of Health (DOH), WHO, at sa aking personal na karanasan nang tamaan ng COVID-19 ang aming pamilya na muntik nang ikamatay ng aking mister na si Nonong.

Mga karaniwang sintomas 

  • Lagnat / ubong walang plema / sipon / pananakit ng ulo, lalamunan at kasu-kasuan / pagkahilo
  • Pagkawala ng panlasa o pangamoy
  • Conjunctivitis 
  • Pamamantal ng balat / Pagsusuka / Pagtatae

Sintomas ng may malubhang COVID-19

  • Mataas na temperatura (lampas 38 °C)
  • Patuloy na pananakit ng dibdib
  • Hirap sa paghinga: Marami sa mga pasyenteng may COVID-19 ay bumababa ang oxygen level at ito ay delikado. Para ito ma-monitor, gumamit ng pulse oximeter. Inilalagay ito sa daliri ng pasyente para masukat ang kanyang oxygen level at pulse rate. Ang normal na oxygen level ay 95 hanggang 100 porsyento. Kakailanganin na ng pasyente ang oxygen support kapag 94% pababa ang kanyang oxygen level. Nang si Nonong ay tinamaan ng severe COVID, biglang bumagsak sa 88% ang kanyang oxygen level, kaya’t isinugod na namin siya sa emergency room.
Isinugod namin sa emergency room ang aking mister na si Nonong matapos bumagsak sa 88% ang kanyang oxygen level nang dahil sa kanyang COVID. Nakukuha ang oxygen level sa tulong ng pulse oximeter na inilalagay sa daliri.

Anong nangyayari sa taong may COVID-19?

Ayon sa talaan ng WHO:

  • 80% ang nakakaligtas sa sakit na hindi kinakailangang isugod sa ospital
  • 15% naman ang nagiging malubha at kailangan ng oxygen support 
  • 15% ang nagiging kritikal na maaaring ikamatay. Maraming dahilan kung bakit namamatay ang taong may COVID-19 — ang pagkakaroon ng komplikasyon sa baga, sepsis, septic shock, thromboembolism, at multi-organ failure. 

Sino ang maaaring tamaan ng matinding COVID-19?

Walang pinipili ang COVID-19. Maaaring mamatay kapag hindi naagapan ang sinumang tinamaan nito.   Pero mas dapat tutukan ang mga pasyenteng may edad 60 pataas at may comorbidities o iba pang mga kondisyon (altapresyon, diabetes, mataas na timbang, sakit sa puso, etc.) dahil mas mataas ang posibilidad na magkakomplikasyon at lumala ang kanilang COVID.

Ano ang mga maaaring maramdaman matapos gumaling mula sa COVID-19?

Bagamat gumaling na sa COVID, may ilang mga pasyenteng nakararamdam pa rin ng panghihina ng katawan at hirap sa paghinga.  Ayon sa WHO, pinag-aaralan pa rin ng mga espesyalista ang aspetong ito.  Pero sa kaso ni Nonong na tinamaan ng severe o malubhang COVID, inabot ng 2 buwan bago bumalik sa normal ang kanyang lakas at paghinga.  

Paano protektahan ang sarili laban COVID-19?

  • Magpabakuna.
  • Gumamit ng face mask. Mas mainam na magsuot ng dobleng face mask o N95 o KN95. 
  • Lumayo sa tao nang 1 metro kahit na wala siyang sakit.  Umiwas sa matataong lugar. 
  • Gumamit ng alcohol o antibacterial na sabon para panglinis ng kamay.
  • Palakasin ang immune system – balanced diet, mag-ehersisyo at uminom ng Vitamins C, D, E, at Zinc. 
  • Gawing maaliwalas ang iyong kuwarto. Buksan ang mga bintana para sa paglabas-masok ng hangin. 
  • Umubo at bumahing sa siko o gamit ang tissue para maiwasan ang pagtalsik ng laway. 
  • Maghanda ng COVID-19 Go Bag 

Bakuna

Noong nakaraang taon, karamihan ng mga tao sa buong mundo ay nagpapabakuna laban sa COVID.  Sa Pilipinas, ginagamit ang mga bakunang gaya ng Pfizer – BioNTech, Moderna, Johnson & Johnson’s Janssen, Sinovac, AstraZeneca, Sinopharm, Gamaleya Sputnik V, at Bharat BioTech,

Ano ang booster shot?

  • ang bakunang ibinibigay para mas lalong humaba pa ang immunity ng mga taong nakuha na ang orginal dose ng bakuna laban sa COVID-19
  • Batay sa guidelines ng DOH, puwedeng makuha ang booster shot tatlong buwan mula sa araw kung kailan nakuha ng pasyente ang pangalawang dose ng bakuna laban sa COVID.  
  • Sa ngayon, ang mga may edad 18 pataas na nakakuha na ng dalawang bakuna laban sa COVID-19 ang maaari pa lang bigyan ng booster shot. 

Puwede bang magkaiba ang brand ng booster dose at primary vaccines (mix and match o heterologous booster)?

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), mas nirerekomenda nilang magkapareho ang gagamiting brand ng bakuna para sa primary vaccine at sa booster o yung tinatawag na homologous booster vaccination. Pero puwede pa rin namang gamitin ang magkaibang brand ng booster at primary vaccines basta ang bibigyan ay edad 18 years old pataas. 

May pag-aaral din ang CDC na nagsasabing kahit anong brand ng booster na aprubado ng FDA ay maganda pa rin ang epekto sa pasyente at may malakas itong antibody-response. Pero kapag heterologous scheme o magkaiba ang brand na ginamit para sa booster shot at sa primary vaccine, pareho o mas mataas ang antibody-response dito kaysa sa homologous. Pero sa huli, ang mahalaga pa rin ay ating makuha kung ano man ang available booster shot. 

DOH guidelines bago magpabooster shot ang isang tao na nagkaroon ng COVID-19

  • Kailangang kumpleto na ang doses ng primary vaccine.
  • May pagitan nang 3 buwan mula sa araw kung kailan nakuha ang second dose ng primary vaccine para sa gumamit ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinovac, o Sputnik, at 2 buwan naman para sa mga gumamit ng Janssen.
  • Natapos mo ang kailangang isolation period. 

o    Isolation period para sa probable, asymptomatic, at mild cases – 7 araw 
o    Isolation period para sa mga may moderate symptoms - 10 araw
o    Isolation period para sa mga may severe o 
o    Walang lagnat sa huling 24 na oras
o    Maayos na ang paghinga at wala nang respiratory symptoms.

Walang side effects ang aking unang bakuna, pero matapos ang aking booster shot ay sumama ang aking pakiramdam.


Anong side-effects kapag kumuha ng bakuna o booster shot laban sa COVID-19?

  • Pananakit at pamamaga kung saan nabakunahan
  • Pananamlay / lagnat / sakit ng ulo 
  • Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan

Hindi lahat ay makararanas ng side-effects, ngunit kung sakaling maramdaman mo ang alin sa mga ito, mabuting magpahinga. Sa kaso ko, wala akong gaanong side-effects sa aking primary vaccines, pero sumama ang pakiramdam ko nang bigyan ako ng booster shot. Ang pag-inom ng painkillers bago mabakunahan ay hindi inirerekomenda dahil ang reaksyon ng gamot sa bakuna ay hindi pa nasusuri. Pero puwedeng uminom ng paracetamol o mefenamic acid para sa lagnat o pananakit ng ulo at katawan pagkatapos ng iyong bakuna.  

COVID-19 tests

Kailan dapat gumamit ng COVID-19 test?

  • kung nakakaramdam ka ng anumang sintomas ng COVID-19
  • kung nagkaroon ka ng malapit na pakikipag-ugnayan o closed contact sa isang taong positibo sa COVID-19:  Mag COVID-test sa Day 5 o Day 7 pagkatapos ng iyong pakikipag-ugnayan sa nasabing closed contact.  Habang naghihintay ng resulta, manatili sa bahay at panatiliing nakahiwalay ka sa iyong mga kasamahan sa bahay. 

Pagkakaiba ng RT-PCR test at Rapid Antigen Test

Polymerase Chain Reaction (PCR) test: 

  • ang “gold standard” para malaman kung ang isang tao ay may COVID-19
  • ginagawa sa pamamagitan ng pag-swab ng lalamunan o ilong
  • maaaring matukoy o ma-detect ng PCR test ang virus sa loob ng 48 oras bago pa man lumabas ang mga sintomas ng COVID-19. Maaaring magtagal ang paglabas ng resulta nito dahil ito ay kailangang gawin sa laboratoryo. 

Rapid Antigen test 

  • Kumpara sa RT-PCR test, less accurate o hindi kasing sigurado ang rapid antigen test at na-de-detect lang nito ang virus sa iyong katawan kapag ikaw ay nakakahawa na.  Kaya pinapayuhan ang mga negatibo sa kanilang antigen test na gawin muli ito pagkatapos ng 48 oras para makasiguro. 
  • nade-detect ang viral proteins sa pamamagitan ng pag-swab ng lalamunan o ilong
  • mas mura ito kaysa sa RT-PCR test at makukuha agad ang resulta matapos ang 15 minuto

Pagkakaiba ng isolation at quarantine

Quarantine

  • ang paghiwalay ng kanyang sarili sa iba dahil nakipag-ugnayan siya sa taong positibo sa COVID-19 (may sintomas man o wala)
  • maaaring gawin ang quarantine sa isang pasilidad o sa bahay. Kailangang mag-quarantine ng 7 araw ang taong may kumpletong bakuna at 14 araw naman kung walang bakuna. 

Isolation

  • ang paghiwalay ng tao sa iba dahil siya’y may sintomas ng COVID o positibo sa COVID 
  • asymptomatic (walang sintomas): isolation ng 10 araw sa bahay mula sa araw na nagpositibo ang test
  • mild symptoms (hindi malalang sintomas):  isolation ng 10 araw sa bahay at karagdagang 3 araw kung wala ka nang sintomas
  • malala o severe cases: isolation ng hanggang 21 na araw sa isang medical facility para magamot ang pasyente, may bakuna man o wala

Kailan lumalabas ang mga sintomas ng COVID-19?

May 5-6 na araw mula sa sandaling na-expose ka sa virus hanggang sa labasan ka ng mga sintomas. Maaaring maramdaman pa rin ang mga ito sa loob ng dalawang linggo. Kaya naman ang mga taong na-expose sa COVID-19 ay hinihiling na manatili lamang sa kuwarto at iwasang makipagkita sa iba sa loob ng 14 na araw, may sintomas man o wala, upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Mayroon bang gamot na maaaring inumin upang gamutin ang COVID-19?

Wala paring direktang gamot sa COVID-19 bagama’t ang mga siyentipiko sa buong mundo ay nagsisikap humanap ng lunas. Importante ang oxygen at ventilators para sa mga pasyenteng may malubhang COVID-19.
 
Ayon sa WHO, natuklasang nakatutulong ang Dexamethasone sa paggamot ng mga pasyenteng may kritikal na COVID-19. Ang Dexamethasone ay isang corticosteroid na ginagamit para sa anti-inflammatory at immunosuppressant effect nito. 

Ang isa pang gamot na antiviral na tableta na ibinibigay sa mga pasyente na 18 taong gulang pataas na mayroong mild and moderate symptoms ay ang Molnupiravir. Pinapababa ng gamot ang pagdami ng virus sa katawan. Gayunpaman, dahil ito ay bagong gamot, kailangan pa rin may gabay ng doctor ang paggamit nito.  

Huwag uminom ng kahit na anong gamot na hindi inirekomenda ng iyong doktor. Hindi mapagagaling ng antibiotics ang COVID-19 dahil tanging sa bakteria lang ito epektibo.

Ang iba’t ibang uri o variants ng COVID-19

Simula nang nagkaroon ng COVID-19, tuluy-tuloy na ang naging mutation ng virus hanggang sa magkaroon na ng iba’t ibang uri o variant nito.  Ang bawat variant ay may iba’t ibang katangian – gaano kabilis makapanghawa at lumala, gaano kahirap ma-detect at gamutin, at iba pa. Pinag-aaralan ang mga ito ng mga siyentipiko kung ang mga ito ba ay Variants Being Monitored, Variants of Concern, at Variants of Interest. Sa ngayon, ang mga pangunahing variant na madaling kumalat ay ang Variants of Concern—Alpha, Beta, Gamma, Delta, and Omicron. Ayon sa DOH, Omicron at Delta ang mga variant na kalat sa Pilipinas.

  • Delta - Maaari itong magdulot ng matinding mga sintomas lalo na sa mga hindi nabakunahan na puwedeng umabot sa pagkaospital at at kamatayan.
  • Omicron - Ito ay mas mabilis na makahawa kumpara sa mga naunang variants. Sa ngayon, ang mga sintomas ng mga tinamaan ng Omicron ay banayad

Walang nakakaalam kung hanggang kailang matatapos ang pandemyang ito. Kaya kailangan pa rin nating manatiling mapagbantay at magkaroon ng kaalaman tungkol sa COVID-19. Pilitin nating isulong ang ating buhay sa gitna ng krisis at laging magpasalamat sa bawat biyayang ating tinatanggap.

--

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 6:00-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected]

COVID-19

DELTA

OMICRON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with